"Iisang Dagat" na music video ng China, binatikos ng Pinoy netizens
- V. Reyes
- Apr 25, 2020
- 1 min read

Masama sa panlasa ng maraming Pilipinong netizens ang inilabas na goodwill music video ng China bilang pagpapakita ng pagsuporta nito sa Pilipinas sa laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ang music video na may pamagat na “Iisang Dagat” ay pinondohan ng embahada ng China sa Pilipinas at inilabas kahapon, Abril 24.
Kabilang sa mga umawit ay sina Camarines Sur Vice Governor Imelda Papin, Filipino-Chinese Singer Jhonvid Bangayan at Chinese actor Yubin.
"Ikaw at ako'y nasa iisang dagat ang iyong pagmamahal aking kasama. Ang iyong kamay ay hindi ko bibitawan, maaliwalas na kinabukasan ating masisilayan," ayon sa chorus ng kanta.
Gayunman, sa halip na ikatuwa ng mga Pilipino sa social media ay ikinagalit ito dahil makikita rin sa video ang mga imahe ng dagat na pinagsasaluhan umano ng China at Pilipinas taliwas sa tunay na nangyayari sa West Philippine Sea kung saan ay inaangkin ng Tsina ang teritoryo.
Ipinakikita rin sa video ang mga tulong at donasyon ng Chinese government sa Pilipinas, kasama ang bahagi ng talumpati ng pasasalamat ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping.
Sa mga oras na ito ay umaabot na sa mahigit 39,000 ang dislikes at 300 ang likes habang mahigit sa 4,000 ang komento sa naturang music video.
Comentarios