top of page

Taong Singko na ‘di yumayaman, kailangang pagandahin ang pirma at magpokus sa isang negosyo

  • Maestro Honorio Ong
  • Apr 24, 2020
  • 3 min read

Dear Maestro,

Sumangguni ako sa inyo dahil ako ay Taong Singko at sa pagkakaalam ko, base sa mga sinusulat ninyo, ang mga Taong Singko ay yumayaman. March 23, 1981 ang birthday ko, kaso hanggang ngayon ay hindi pa rin ako umuunlad at yumayaman tulad ng madalas ninyong sinasabi. Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako yumayaman? Ang totoo, marami na akong trabaho at negosyong pinasukan, pero walang nangyari sa buhay ko. Ano ang dapat kong gawin upang ako ay umasenso at yumaman?

Umaasa,

Kimaru ng Caingin, San Rafael, Bulacan

Dear Kimaru,

Pangkaraniwan na umuunlad ang mga taong may birth date na 5 na tulad mo (23 ay 2+3=5), ngunit pansinin mo, paano ka uunlad, samantalang hindi maganda ang iyong lagda? Bukod sa nababoy o naburara, nagkaroon pa ng malaking bilog ang iyong pirma, kung saan ang bilog na ito ay sadyang nagpagulo sa mga letra at salita.

Hindi ganyan ang lagda ng taong nagtagumpay o mayaman, sa halip, ang kailangan ay hindi naburara o nababoy at walang malaking bilog ang pirma. Kapag maganda na ang lagda, magsisimula mo nang matamasa ang suwerte at biyayang dulot ng numerong singko.

Kaya ang unang-una mong dapat gawin ay baguhin ang iyong lagda. Magagawa mo ito kung hindi mo pagpapatung-patungin ang letrang “J” at “S” sa unahang bahagi ng iyong pirma at iwasan mo ring ibalikwas pabalik sa kaliwang direksiyon ang dulong bahagi ng letrang “l”. Sa halip, pasibatin mo patungo sa direksiyong pakanan ang pinakadulong letrang “l” sa pamamagitan ng tuwid na guhit. Sa ganyang bagong style na pirma, magsisimula ka nang umunlad, umasenso at lumigaya.

Ang isa pang nakasira kaya hindi ka pa lubusang umuunlad ay ang destiny number mong 9, (3+23+1981=2007/ 20+07=27/ 2+7=9) at ang zodiac sign mong nasa pagitan ng Pisces at Aries. Ibig sabihin, bukod sa magulo ang isipan mo at kung anu-ano ang pinaplano at ginagawa mo ay wala kang solidong layunin sa buhay. Sa madaling salita, wala kang konsentrasyon na siyang unang pormula upang magtagumpay at yumaman.

Ano ang espisipikong pangarap mo, kailan mo ito gustong maabot at sa paanong paraan?

Halimbawa, pagyaman ang gusto mo, kaya dapat ay puro pagyaman o pagkakaperahan ang isipin mo. Sa paanong paraan, sa pagnenegosyo o pangingibang-bansa?

Kung sa pagnenegosyo, dapat isang larangan o produkto lang ang gawin mong negosyo at ito ay kung ano ang pinaka-alam mong gawin upang hindi ka maloko, gayundin upang siguradong magtatagumpay at magiging maligaya ka.

Huwag ka basta-bastang papatol sa negosyo, lalo na kung wala kang alam dito, sa halip, kailangang ang negosyo ay alam na alam mo o dati mo nang pinaglilibangan para kung saan ka masaya, ‘yun ang nature ng iyong negosyo.

Halimbawa, ikaw ay mahilig sa pag-aalaga ng hayop, dapat animal industry ang pasukin mo, kung mahilig ka sa pag-aalaga ng mga halaman at malamig ang iyong mga kamay, paghahalaman ang pasukin mo. Kung magaling ka namang mangumbinsi, pagtitinda ang pasukin mog negosyo.

Samantala, ayon sa iyong Travel Calendar, itigil mo muna ang pag-nenegosyo sa ngayon. Sa halip, pagkatapos ng problema sa Covid-19, mag-apply ka sa abroad at siguradong sa 2021 hanggang 2022, makapangingibang-bansa ka at ang pag-a-abroad na ito ang magiging simula ng iyong tuluy-tuloy na pag-unlad at pag-asenso hanggang sa tuluyan ka na ring yumaman.

Kapag marami ka nang pera o may sapat ka nang ipon, huwag ka pa ring magnenegosyo agad-agad. Sa halip, ituloy mo ang walang-sawang pag-a-abroad at saka ka mag-asawa ng babaeng may birth date na 5, 14, 23, 8, 17 o 26 sa kahit anong zoidac sign, higit lalo kung ang nabanggit na babae ay medyo punggok, bilugan ang hugis ng mukha at medyo mataba.

Sa sandaling napangasawa mo na siya, saka ka pumasok sa negosyong gusto mong gawin at sa pagtutulungan ninyong mag-asawa, tiyak ang magaganap – dahil suwerte ang numero ninyong hawak at suwerte sa negosyo ang porma ng pangangatawan ng iyong asawa, mabilis na uunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa tuluyan na kayong yumaman.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page