Sigaw ng garbage collectors: Dagdag-suweldo para sa hanapbuhay at dagdag-proteksiyon para sa buhay
- Ryan B. Sison
- Apr 24, 2020
- 2 min read

“Sana, mabigyan kami ng mga facemask at siyempre, sana dagdag-sahod. Lalo na hindi naman natin nakikita ang kalaban natin, hindi natin alam kung kailan aatake ‘yan,” ito ang mungkahi ng isang tagahakot ng basura.
Isang buwan mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon, kalbaryo para sa mga tagahakot ng basura ang kawalan ng pampublikong transportasyon.
Dahil tuloy ang kanilang trabaho, walang choice kundi dumiskarte ang mga ito para may maiuwi para sa pamilya.
Isa sa mga diskarte nila ang paghahanap ng trak na magsasabay sa kanila papunta sa garahe ng kanilang trak mula sa Commonwealth Avenue papunta sa North Caloocan, ngunit habang tumatagal, pahirap nang pahirap ang paghahanap ng trak.
Dahil dito, isinasakripisyo nila ang kumpletong tulog para gumising nang maaga at mag-abang ng trak sa Commonwealth Avenue araw-araw habang ganito rin ang kanilang diskarte para makauwi pagkatapos ng 12 oras na trabaho.
Bukod sa transportasyon papunta at pauwi galing sa trabaho, pahirap din sa kanila ang kawalan ng proteksiyon.
Gamit ang maliit na suweldo, sila mismo ang bumibili ng safety gears tulad ng facemask at gloves tuwing maghahakot ng mga basura at sinasabayan na lang ito ng lakas ng loob.
Tulad ng mga frontliner na nasa ospital, checkpoints at iba pa, sila rin ay maituturing na mga bayani.
Isipin natin, sa araw-araw na pagtatrabaho nila, hindi nawawala ang panganib na mahawakan nila ang virus kaya paano pa nila lalabanan ito kung wala silang proteksiyon? At ang isa pang pangamba ay ang maiuwi ito sa kanilang tahanan.
Kabilang sila sa mga dapat nating protektahan dahil mahalagang tungkulin ang ginagawa nila sa laban nating ito.
Panawagan sa mga kinauukulan, ibigay ang hinihiling na safety gears nang sa gayun ay maiuwi nila nang buo ang kanilang suweldo.
Kung kaya nating magbigay ng pabuya para sa makaiimbento ng gamot laban sa COVID-19, sana ay bigyan ng karagdagang benipisyo ang mga higit na nagsasakripisyo.
Tayo namang mamamayan, kaya rin natin silang tulungan sa maliit na paraan. Simulan natin ito sa tamang paghiwalay ng mga nabubulok, hindi nabubulok at puwedeng i-recycle at tulad ng kanilang hiling, ibukod din ang mga gamit na facemask.
‘Ika nga, walang pinipili ang mga sakit na ito kaya ang tangi nating magagawa ay ang protektahan ang bawat isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments