Paggamit ng ahensiya ng pamahalaan ng Filipino Sign Language sa mga transaksiyon, malaking tulong sa
- Nancy Binay
- Apr 24, 2020
- 2 min read
Mahalaga sa laban natin kontra COVID-19 na walang mapag-iiwanan sa usapin ng mahalagang impormasyon na makatutulong sa madla na maiwasang mahawa sa virus.
Sa nakaraan, madalas ay naiiwan sa diskurso ang ating deaf community dahil hindi naglalaan ang mga industriya at maging ang pamahalaan ng oras at pondo para sa mga sign language interpreters.
Ito ang isa sa mga dahilan kaya naging awtor tayo ng Filipino Sign Language Law na naisabatas noong 2018.
Minamandato ng batas na ito na gumamit ang mga ahensiya ng pamahalaan ng FSL sa kanilang mga transaksiyon sa deaf community at pati na rin ang probisyon ng mga interpreter at materyales kung kinakailangan.
Mahalagang bigyang-diin ang implementasyon ng batas na ito sa gitna ng pandemiko.
Maraming advocacy groups ang nananawagan nito sapagkat sa kasalukuyan, tanging ang public briefing pa lamang ng Laging Handa PH ang gumagamit ng interpreter. Ang mga briefing ng Interagency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at National Task Force COVID-19, kasama na ang mga address ng Pangulo ay wala pa ring FSL inset.
Mabuti na rin lamang at may mga volunteer tulad ng Social Watch Philippines (SWP) at FSL Access Team for COVID-19 (FSLACT4COVID19), pati na rin ang University of the Philippines, na naglalayong siguruhin na may access sa mahalagang impormasyon ang deaf community.
Subalit, kailangan bigyang-diin at ulit-ulitin na pamahalaan ang dapat manguna rito.
☻☻☻
Nakikiramay tayo sa pamilya ng yumaong dating senador Heherson Alvarez.
Isang mahusay na lingkod-bayan si Sen. Alvarez, na isa sa mga nangunang mag-adbokasiya para sa kalikasan.
Nagmula din si Sen. Sonny sa lalawigan ng Isabela na siyang pinagmulan din ng aking amang si former Vice-President Jojo Binay.
Ang pagpanaw ni Sen. Alvarez ay isang mapait na reality check na tunay na walang pinipili ang virus na ito.
Patuloy tayong magdasal at sumunod sa mga guidelines na inilatag para sa kaligtasan nating lahat.
☻☻☻
Huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa gitna ng madilim na yugto na ito sa kasaysayan ng mundo.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments