Pacman nagparamdam ng paghamon kay WBO Champ Crawford
- Gerard Arce
- Apr 24, 2020
- 2 min read

Ibinunyag ni top honcho Bob Arum ng Top Rank na nakipag-ugnayan na ang kampo ni eight-division world champion Manny “Pacman” Pacquiao sa kanilang pangkat upang subukang plantsahin ang laban sa pagitan nila ni welterweight champion Terrence “Bud” Crawford.
Mariing ipinagduduldulan ng dating boss ng Pambansang Kamao na takot umano at umiiwas ito sa pambatong kampeon ng World Boxing Organization (WBO) na patuloy pa ring walang talo sa 36 na laban at may 27 knockouts.
“Pacquiao and his people have reached out to me about the possibility of a Crawford fight,” sambit ni Arum sa panayam ni Crystina Poncher ng Top Rank podcast. “We’ll have to see, but it is certainly a very interesting fight and once this clears up,” dagdag nito sakaling matapos na ang nararanasang problema ng buong mundo hinggil sa coronavirus disease pandemic.
Hindi lingid sa isipan at tingin ng karamihang panatiko at tagasunod ng boksing na hindi umaatras sa anumang laban ang Filipino fighting Senator.
“We were hopefully thinking about scheduling that fight outside of the United States,” wika ni Arum. “I think we have a way where it can happen,” dagdag nito na matatandaang makailang ulit na ring naibalita na hinihikayat ng maraming boxing promoters na ganapin ang laban ni Pacquiao sa labas ng Estados Unidos, partikular na sa Saudi Arabia.
Para naman kay Crawford, malaki ang pagnanais na makadaupang-kamao nito si Pacquiao para sa isang unification title fight, gayundin ang isa pang PBC top fighter at two-title belt holder na si Errol Spence Jr.
“Would be Pacquiao and Spence. Pacquiao because, he don’t have that much long green in sports and I want that name on my resume,” pahayag ng American fighter sa panayam ng ESPN. “And I hope so.”





Comments