top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagpaparusa sa bgy official na palpak at pabaya, totoohanin at ‘wag puro babala

  • Ryan B. Sison
  • Apr 23, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Ilang araw bago matapos ang itinakdang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon, marami pa ring residente ang dismayado dahil sa pagiging pabaya ng kanilang lokal na pamahalaaan.

Nagkaroon ng mga panuntunan o quarantine protocols nang sa gayun ay mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na agad namang sinunod ng maraming barangay, pero hanggang ngayon ay dedma pa rin sa ilan.

Kaugnay nito, pinadalhan ng show-cause order ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang ilang barangay chairman dahil sa diumano’y pagpapabaya sa pagpapatupad ng mga panuntunan sa umiiral na ECQ.

Nakatanggap na ng 2,000 reklamo ang DILG mula sa mga residente ng iba’t ibang barangay hinggil sa kakulangan sa pagpapatupad ng social distancing, pagpapahinto ng tupada, pagkontrol sa dami ng tao sa mga pamilihan at pamimigay ng relief goods.

Ayon sa DILG, ang mga nabanggit ay ang mga paulit-ulit na reklamong natanggap sa nakalipas na 37 araw mula nang ipatupad ang ECQ.

Ngunit paglilinaw ng DILG, responsibilidad ng mga barangay chairman na ipatupad ang quarantine protocols alinsunod sa Bayanihan to Heal as One Act at sa ilalim ng batas, posibleng maharap sa kaso at matanggal sa puwesto ang mga lokal na opisyal na mabibigong sumunod dito.

Kaya sa mga opisyal d’yan na todo-relaks, humanda na kayo.

Nariyan kayo sa posisyon ninyo dahil pinagkatiwalaan kayo ng mga tao kaya sa natitirang mga araw ng ECQ, patunayan ninyong tunay kayong lider at hindi nagpapasarap lang sa puwesto.

Pero kung hindi kayo madaraan sa pakiusap ng mga residente at babala ng ahensiya ng gobyerno, pasensiyahan na lang.

May pagkakataon kayong magsilbi, pero wala kayong ginawa kaya dapat lang na managot kayo sa pagiging pabaya ninyo.

Tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, ang tunay na lider ay maaasahan sa anumang pagkakataon, hindi nariyan lang kapag may magagarbong okasyon.

Para sa mga awtoridad, sana ay maging mahigpit at patas kayo sa pagpaparusa sa mga pabayang opisyal na ito.

Kung 'yung mga ordinaryong mamamayan na lumalabag sa protocol ay naparurusahan ninyo, sana ay ganundin ang mga may puwesto.

Patunayan ninyong may ngipin ang batas at wala itong sasantuhin dahil ang sinumang lalabag dito ay dapat managot, anuman ang kanilang estado o posisyon sa lipunan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page