Mental health ng mga bata dapat tutukan ng mga guro at magulang ngayong may krisis
- Kuya Win Gatchalian
- Apr 23, 2020
- 2 min read

Ngayong dumadaan tayo sa krisis, hindi malayong magkaroon ng epekto sa mental na kalusugan ng ilang mag-aaral ang pagkakaantala ng kanilang klase na nananatili pa ring suspendido.
Bilang tagapagtaguyod ng de-kalidad na edukasyon sa kabataang Pinoy, mahalagang maiparating ng gobyerno sa mga mag-aaral na nauunawaan natin ang kanilang mga pangamba. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, handa tayong gawin ang lahat upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Bahagi nito ang malinaw na pagpapaliwanag kung ano ang maaaring idulot ng COVID-19 at kung paano natin ito maiiwasan.
Dahil dito ay hinihimok natin ang Department of Education (DepEd) na magbigay ng psychosocial support sa mga mag-aaral na dumaranas ng stress o anxiety ngayong panahong naka-quarantine ang lahat.
Dito pumapasok ang kahalagahan ng papel ng mga guro, magulang at guidance counselors. Kabilang sa responsibilidad natin ngayon ay mabigyan ang mga mag-aaral ng sapat na patnubay kung paano matutugunan ang kanilang mga pang-mental, pang-emosyonal at pang-ispiritwal na mga pangangailangan.
Dapat maiparating natin sa kanila na kahit hindi nila nakakasama ang kanilang mga guro, mga kaklase at mga kaibigan, magpapatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral sa isang ligtas at mabisang paraan.
Ngayong nasa bahay lang ang mga mag-aaral at mga magulang ang palagi nilang kasama, inaasahang sila ring mga magulang ang manguna sa paggabay at pag-unawa sa kanilang mga anak. Hinihikayat na iparamdam ng mga nanay at tatay sa kanilang mga anak ang lahat ng impormasyong kailangan nila sa panahon ng COVID-19 at tiyakin sa kanila na makababangon din tayo sa krisis. Higit sa lahat, dapat mabigyan din ang mga bata ng sapat na panahong makapaglibang at makapagpahinga.
Hinihimok din natin ang DepEd na gamiting gabay ang “Key Messages and Actions for COVID-19 Prevention and Control in Schools” ng World Health Organization (WHO), United Nations Children’s Fund (UNICEF) at International Federation of the Red Cross and Red Crescent Societies upang mapagtibay ang mga polisiya nito para sa pangangalaga ng mental health ng lahat ng mga mag-aaral.
Base sa rekomendasyon ng tatlong ahensiya, dapat iparamdam ng ating mga guro na normal lamang para sa mga mag-aaral ang pagkakaroon ng iba’t ibang mga tanong at reaksiyon sa kalagitnaan ng kasalukuyang public health emergency. Bukod dito, ilan din sa inirerekomendang dapat ituro sa mga bata ang pagpapakita ng suporta sa kanilang kapwa mag-aaral, halimbawa na lang ang pag-iwas sa pambu-bully.
Naniniwala tayong sa pamamagitan ng wastong pagtutok at pangangalaga sa mga pangangailangan ng ating mga mag-aaral ay matutulungan natin silang makasabay at makiayon sa pansamantalang pagbabago sa sistema ng kanilang pag-aaral na kanilang kinahaharap. Huwag natin silang pababayaan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments