‘Di dapat manghinayang na iwanan ang wa’ ‘wentang mister dahil makapag-aasawa ulit at sasaya pa
- Maestro Honorio Ong
- Apr 23, 2020
- 2 min read

Katanungan
Hindi ako pinalad sa pag-aasawa, sapagkat ang napangasawa ko ay maraming bisyo. Gusto ko na siyang hiwalayan, kaya lang, naaawa ako sa dalawa naming anak na baka lumaki sila na walang kinikilalang ama.
Ano ang masasabi ninyo sa aking mga palad? Kung hihiwalayan ko ang aking asawa, may pag-asa pa ba akong makapag-asawa ulit at sa ikalawang pagkakataon, may pag-asa ba kaming lumigaya ng mga anak ko? Madalas na sinasabi ng asawa ko ‘pag lasing siya na kung hindi ako masaya sa piling niya ay lumayas na ako. Paulit-ulit niya ‘yun sinasabi sa akin hanggang sa makatulugan niya, tapos kinabukasan paggising niya ay galit pa rin siya sa akin. May mga pagkakataon pa na binubugbog niya ako kapag naubos na ang kanyang intrega.
Kasagutan
Kapansin-pansing biyak at magulo ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tuluyan na kayong magkahiwalay ng mister mong lasenggo at iresponsable.
Ang nabiyak na Marriage Line (1-M arrow a.) ay tanda rin hindi rin magtatagal ang inyong relasyon, sapagkat kung ngayon ay nakatitiis ka pa, darating ang araw na mapupuno ka na rin sa iyong asawa. Kapag dumating ang araw na ‘yun, bagama’t masakit sa loob mo ang gagawing desisyon, iiwanan mo na siya para na rin sa kaligtasan mo at ikagaganda ng kinabukasan ng inyong mga anak.
Matapos mong iwanan ang mister mo, kusa namang lalago at hahaba ang tubo ng ikalawang mas maganda at mas malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa ikalawang pag-aasawa – na hindi mo rin inaakala pero talaga namang mangyayari – walang duda, makasusumpong ka na ng matagumpay at panghabambuhay na ligaya.
Dapat Gawin
Habang, ayon sa iyong mga datos, Annalette, hindi matatapos ang 2020, mabigat man sa iyong kalooban, iiwanan mo na rin ang lasenggo at walang kuwenta mong asawa. Pagsapit ng 2021 sa buwan ng Abril sa edad mong 34 pataas, sa lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus na walang bisyo, pero mas matanda sa iyo ng halos 5 hanggang 7 taon, matatagpuan mo na ang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 2-M arrow b.).




Comments