Prescriptive period ng mga kaso na may kinalaman sa Unfair Labor Practice
- Persida Acosta
- Apr 22, 2020
- 1 min read
Dear Chief Acosta,
Noong isang buwan ay nagtayo kami ng aking mga kasamahan sa trabaho ng labor union. Nang malaman ito ng aming employer ay kaagad niyang tinanggal sa trabaho ang mga officers ng nasabing unyon, kasama na ako. Balak naming magsampa ng kasong Unfair Labor Practice (ULP) laban sa aming employer. Nais naming malaman kung hanggang kailan maaaring isampa ang kaso na may kinalaman sa ULP? – Isabel
Dear Isabel,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Article 305 ng Presidential Decree No. 442 o mas kilala bilang “Labor Code of the Philippines” kung saan nakasaad na;
“Article 305. Offenses. -- xxx
All unfair labor practice arising from Book V shall be filed with the appropriate agency within one (1) year from accrual of such unfair labor practice; otherwise, they shall be forever barred.” (Sinalungguhitan para bigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang pagsasampa ng kaso na may kinalaman sa unfair labor practice na nakapaloob sa Book V ng Labor Code ay maaari lamang gawin sa loob ng isang (1) taon magmula sa paggawa ng akto na maaaring ikonsidera bilang unfair labor practice.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments