Mga paraan upang mapanatili ang tamang antas ng kolesterol sa katawan
- Shane Ludovice
- Apr 22, 2020
- 3 min read

Dear Doc. Shane,
Bakit ba tumataas ang kolesterol at ano ang paraan para mapababa ito bukod sa pag-iwas sa matatabang pagkain? - Arturo
Sagot
Ang kolesterol ay isang uri ng lipid. Ito ay malagkit tulad ng taba na materyal na ginagawa ng atay sa natural na paraan. Mahalaga ito sa produksiyon ng cell membranes, hormones at Vitamin D.
Ang lipoproteins ay particles na gawa sa fat at protina. Ito ang tagapagdala ng kolesterol at triglyceride (isa pang uri ng lipid) sa dugo. Ang dalawang uri ng lipoprotein ay ang low-density lipoprotein (LDL) at high-density lipoprotein (HDL).
Kung ang dugo ay nagtataglay ng maraming LDL cholesterol (kolesterol na dulot ng low-density lipidprotein), ito ang tinatawag na high cholesterol o mataas na cholesterol. Kung hindi ito malulunasan, ang mataas na kolesterol ay maaaring mauwi sa maraming mga problema sa
kalusugan kasama na ang atake sa puso at stroke.
Kadalasan, hindi kinakikitaan ng mga sintomas ang pagkakaroon ng mataas na kolesterol. Kaya mahalaga na regular na ipasuri ang cholesterol.
Ang low-density lipoprotein o LDL ay madalas ding tawaging bad cholesterol. Ito ang tagapagdala ng kolesterol sa mga ugat na daanan ng dugo. Kung mataas ang bilang ng LDL cholesterol sa dugo, maaari itong maipon sa mga dingding ng iyong mga ugat.
Ang mga naipong kolesterol sa ugat ay tinatawag na cholesterol plaque at ito ay maaaring dahilan ng pagkipot ng mga ugat at magpataas ng panganib na magkaroon ng pamumuo ng dugo. Kung ang pamumuo ng dugo ay bumara sa puso o utak, maaari itong maging dahilan ng atake sa puso o stroke.
Ang high-density lipoprotein o HDL ay kilala bilang good cholesterol. Tumutulong ito na ibalik ang LDL cholesterol sa atay upang tuluyan nang maalis sa katawan. Makatutulong ang good cholesterol upang makaiwas sa pagkakaroon ng pamumuo ng plaque sa iyong mga ugat.
Kung nasa tamang dami ang HDL cholesterol, matutulungan ka nitong mapapababa ang posibilidad na pamumuo ng dugo, sakit sa puso at stroke.
Paano mapananatili ang tamang antas ng kolesterol sa katawan?
Mahalagang bantayan ang saturated at transitive fats sa pakete ng mga produktong pagkain na binibili, kasama na ang asukal nito. Mas mababa sa mga ito ang kinakain mo ay mas maganda.
Dapat hindi lalampas sa 10 porsiyento ng calories na kinakain mo araw-araw ang saturated fats o dagdag-asukal.
Ano ang sanhi ng mataas na kolesterol?
Ang lifestyle ay maaaring maging dahilan ng mataas na kolesterol. Kasama ang hindi gaanong paggalaw at paninigarilyo.
Kung ang iyong mga magulang ay may mataas na kolesterol, mataas ang posibilidad na ikaw ay magkaroon ng ganitong kundisyon.
Ang iba pang sakit tulad ng diabetes at hyperthyroidism ay maaari ring makapagpataas ng posibilidad na magkaroon ka ng mataas na kolesterol at kaugnay na mga kumplikasyon ng sakit na ito.
Kung ang iyong total cholesterol o LDL cholesterol ay napakataas, sasabihin ng doktor na mataas ang cholesterol mo. Ang mataas na kolesterol ay lubhang mapanganib lalo na kung ang iyong LDL ay napakataas at ang iyong HDL naman ay napakababa.
Ano ang gamot sa mataas na kolesterol?
Ang ‘statin’ ang madalas na inirereseta ng doktor para sa mataas na kolesterol. Pinipigilan nila ang atay sa paggawa ng mas maraming kolesterol.
Narito ang ilang halimbawa ng gamot na ‘statin’:
atorvastatin
fluvastatin
rosuvastatin
simvastatin
Ang ilang produkto ay naglalaman ng kombinasyon ng mga gamot para pabagalin ang kakayahan ng katawan na pag-absorb ng kolesterol sa mga kinakain at bawasan ang produksiyon ng kolesterol sa atay.
Sa ilang mga pagkakataon, maaari mapababa ang kolesterol kahit hindi uminom ng gamot.
Halimbawa, sapat na ang pagkain ng malulusog na pagkain, mag ehersisyo ng regular at pag-iwas sa paninigarilyo.
Kailangang sundin ang mga rekomendasyon ng doktor lalo na sa pagkakaroon ng regular na checkup.




Comments