top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

"Phishing", ‘di na bago pero mas maraming nabibiktima ngayong may banta ng COVID-19

  • Ryan B. Sison
  • Apr 20, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Habang patuloy na umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ), kabilang sa mga pinakamaraming serbisyo na ginagamit ng publiko ay ang online banking dahil gamit ang internet, puwede nang magawa ang mga bagay nang hindi na kailangang lumabas ng bahay tulad ng pagbabayad ng bills o online grocery shopping.

Bagama’t madali itong gamitin at malaking tulong, hindi natin dapat kalimutan na meron din itong masamang epekto.

Dahil dito, nanawagan sa publiko si Cabinet Secretary at Inter-agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases spokesperson Karlo Nograles na doblehin ang pag-iingat sa paggamit ng online banking matapos tumaas nang 100% ang kaso ng “phishing” kung saan nakukuha ang detalye ng mga account sa bangko o credit cards.

Kamakailan, arestado ang ilang mga hacker na nagpapanggap na taga-bangko para makapagnakaw sa mga bank account sa gitna ng ECQ at sinasabing nakakulimbat na ng milyun-milyong piso ang mga ito.

Ang siste, magpapadala sila ng email, text at message blasts sa social media para makuha ang detalye ng mga bibiktimahin. Pagkatapos, mag-aabiso silang may diumano’y sumubok na mang-hack sa bank account ng biktima at may link na kailangang i-click. Kapag pinindot ito ng biktima, malilipat na ng hacker ang pera mula sa account ng biktima papunta sa biniling ATM cards ng mga hacker.

Samantala, kuwento ng isang biktima, may natanggap siyang text message na inaalok siya ng sim upgrade para maging LTE at nang pumayag siya, may tumawag sa kanya para manghingi ng personal na detalye at matapos maibigay ang mga ito, bigla siyang nawalan ng signal. ‘Yun pala, kumikilos na ang mga hacker para nakawin ang P200,000 na ipon niya sa bangko.

Sa totoo lang, hindi na bago ang ganitong uri ng panloloko, pero ngayong mas maraming nabibiktima, sana ay magsilbing aral ito sa publiko na kasabay ng pagtitiwala sa paggamit ng online banking at pag-iingat laban sa banta ng COVID-19, kailangan din ng dobleng pag-iingat laban sa mga hacker. Hindi natin alam, sa simpleng click ay maaaring mawala ang perang pinaghirapan natin.

Kapag nakatanggap ng ganitong uri ng mensahe o tawag, ‘wag agad magbigay ng anumang impormasyon at i-report sa bangko.

Pakiusap sa mga awtoridad, patuloy niyo sanang parusahan at turuan ng leksiyon ang mga salot sa lipunan na ito para hindi na sila dumami pa.

Kayo namang mga abusado at tuloy pa rin ang raket, may kalalagyan din kayo!

Tingnan natin kung mapakinabangan ninyo sa kulungan ang mga perang ninakaw ninyo.

Mas malala pa kayo sa virus kaya dapat lang na mabulok kayo sa kulungan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page