top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

MMDA na tuloy ang raket na kotong kahit may ECQ, lusot ang dadaan basta may bayad

  • Ryan B. Sison
  • Apr 19, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Alinsunod sa Luzon-wide community quarantine, maraming kalsada ang isinara upang mas madaling makontrol ang pagpasok at paglabas ng mga tao sa kanilang mga lugar.

Dahil dito, maraming residente ang umaasa sa delivery services, partikular sa mga food delivery riders.

Ngunit kamakailan, dalawang food delivery riders ang hindi pinalampas ng dalawang traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Makati at kinotongan pa.

Batay sa ulat, alas-5:00 ng hapon ng Biyernes nang maganap ang pangongotong ng dalawang suspek sa may EDSA Ayala Southbound loading/unloading bay sa Bgy. San Lorenzo, Makati City.

Sa reklamo ng mga biktima, magde-deliver sila ng pagkain sa nasabing lungsod, ngunit pagdating sa nabanggit na lugar, pinara at sinita sila ng mga suspek.

Ayaw umano silang padaanin kung hindi sila magbibigay ng pera kaya napilitan silang mag-abot sa dalawa.

Nang makalagpas ang mga biktima, nakita nila ang grupo ng mga pulis na nagsasagawa ng “Oplan

Sita” sa Arnaiz corner Park Square Drive at isinumbong ang dalawang suspek.

Nang puntahan ang mga ito, kinumpirma ng dalawang riders na ang isa ay nanghingi ng P500 habang ang isa naman ay P100 dahilan para arestuhin ang mga suspek na nahaharap sa reklamong robbery extortion.

Nakakadismaya dahil kahit sa gitna ng pandemya, hindi pa rin talaga nawawala ang mga walang kunsensiya.

Mahiya naman kayo sa mga nagtatrabaho nang maayos.

Tutal, nagtatrabaho rin naman kayo, gawin ninyo ‘yan nang tama at ‘wag puro pagpapalaki ng tiyan!

‘Yang mga inaabuso ninyo, nagsasakripisyo rin ‘yan ng kalusugan para may maiuwi sa pamilya, pero kayong mga walang kunsensiya, sige pa rin sa pananamantala.

Porke alam ninyong walang choice ang mga biktima, ang lalakas ng loob ninyo at ginagamit n'yo pa ang trabaho ninyo para sa pansariling interes.

Sa totoo lang, kaya hindi sineseryoso ng iba ang mga patakaran na umiiral ay dahil alam nilang nadaraan kayo sa lagay.

‘Wag namang ganyan, mga sir. Kapag nagkamali o lumabag, turuan ninyo ng leksiyon, pero kung wala namang kasalanan, ‘wag ninyong hanapan ng butas.

Panawagan sa mga awtoridad, pakituruan ng leksiyon ang mga ganitong klase ng tao para madala.

Sa mga nagbabantay ng checkpoint, patunayan ninyong alagad kayo ng batas at hindi salot sa lipunan.

Kabilang kayo sa mga itinuturing na frontliners kaya maging bahagi sana kayo ng solusyon at hindi ng problema.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page