Banta ng nakahahawa at deadly na COVID-19, dedma pa rin sa ilang Pinoy
- Editoryal
- Apr 19, 2020
- 1 min read
Mahigit isang buwan na mula nang itaas ang enhanced community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ngunit nakalulungkot na sa kabila nito, marami pa rin sa ating mga kababayan ang matigas ang ulo at tila hirap sa pag-unawa sa kasalukuyang sitwasyon.
Ayon kay Dr. Daisy Villa, hepe ng Cebu City Health Office, agad silang gumawa ng selective massive testing matapos magpositibo ang isang residente sa Sitio Zapatera sa Barangay Luz sa Cebu City.
Sa lahat ng kanilang mga na-swab, 135 sa mga ito ay nagpositibo sa COVID-19 bagama’t marami ang asymptomatic. At dahil dito, isinailalim sa total lockdown ang lugar.
Aniya, ibinibigay ng gobyerno ang pangangailangan ng mga residente upang manatili ang mga ito sa kanilang bahay, ngunit tila wala umanong pakialam ang mga ito na patuloy pa rin sa paglabas.
Hindi sila nagma-mask at hindi rin sumusunod sa social distancing.
Ang masaklap, gusto lang aniya ng mga residente na lumalabas sapagkat slum area ang lugar, mainit sa loob ng bahay at walang electric fan.
Gayundin, dahil walang sintomas ang karamihan sa mga na-testing kaya akala nila ay normal na flu lang ito.
Paulit-ulit na inaabiso na seryoso at nakamamatay ang sakit na ito na hanggang ngayon ay patuloy ang pagdami ng kaso sa bansa.
Sa totoo lang, hindi tayo aabot sa ganito kung nakikinig lang sana ang lahat.
Hindi madali ang hamon na kinahaharap natin kaya ‘wag tayong pasaway.
‘Pag sinabing ‘wag lumabas ng bahay, sumunod tayo. Kaunting sakripisyo lang ‘yan para sa ikabubuti ng mas nakararami.





Comments