Dahil marami sa kanila ang babad sa internet... Tips para sure na safe sina bagets sa virtual world
- Justine Daguno
- Apr 18, 2020
- 2 min read

Sa panahon ngayon kung saan maraming time ang kabataan na magbabad sa internet, bilang nakatatanda ay dapat din tayong nakaantabay sa anumang pinagkakaabalahan nila rito.
Napakaraming bagay ang maaari nilang makita gamit ang iba’t ibang social media platforms, meron mga nakakatulong o maganda ang maidudulot sa kanila, pero meron ding mga hindi pa angkop sa kanilang edad.
Kaya naman, narito ang ilan sa mga puwede nating gawin upang masiguradong safe online ang ating mga bagets:
1. I-practice ang open communication. Iba na mag-isip ang kabataan ngayon, marami silang katanungan at masyado silang curious sa mga bagay-bagay. Kung nais nating magkaroon ng bukas na komunikasyon sa tahanan, hindi makabubuti kung palagi silang pagbabawalan sa mga gusto nilang subukan. Pakinggan at intindihin natin ang kanilang opinyon at ipaliwanag sa mabuting paraan kapag may baluktot sa mga ito.
2. Gamitin ang teknolohiya sa mabuting paraan. Maraming educational videos na makatutulong sa growth development ng mga bata. Ang maganda sa mga ito, bukod sa libre ay talagang informative ang mga tinatalakay nito. Ngunit bago ipanuod ang mga videos sa ating mga bagets ay siguraduhin munang napanood at alam nating wala itong anumang kabastusan o kabulastugan.
3. Palaging i-check ang kanilang ginagawa. Tingnan o i-check ang videos, babasahin o anumang site na kanilang binibisita. Hangga’t maaari ay tanungin din sila tungkol sa kanilang mga virtual friends o ‘yung mga nakakausap at nakakasalamuha nila sa anumang socmed platforms. Pero siyempre, gawin ito sa hindi nakaka-offend na paraan.
4. Limitahan ang panahon sa virtual world. Payuhan sila na dapat ay sapat na panahon lamang ang ilaan para sa social media. Ipaliwanag sa kanila na maraming mas kapaki-pakinabang na bagay ang maaari nilang gawin tulad ng pagbabasa ng libro, pag-aaral ng bagong skills, paglalaro ng board games at iba pa.
Ang internet ay maaaring makatulong o makasama sa indibidwal, depende sa paggamit nito. Totoong pantanggal-umay ito lalo na sa kasalukuyang panahon, ngunit tandaan na tulad ng marami sa atin, marami ring time ang mga masasamang-loob para makapambiktima.
Kaya naman, tulad ng paulit-ulit nating ipaalala, maging matalino sa paggamit ng social media. Bawat bukas o click natin sa mga ito ay may kalakip na responsibilidad. Gets mo?





Comments