Regular na pagpapa-pap smear sa kababaihan, mahalaga upang makaiwas sa cervical cancer
- Shane Ludovice
- Apr 16, 2020
- 2 min read

Dear Doc. Shane,
Ang 40 years old at may dalawang anak. Mula nang mag-asawa at magkaanak kami ay hindi pa ako nagpa-pap smear. Last time, napag-usapan namin ito ng kumare ko at sinabi niyang kailangang regular itong gawin lalo na kapag may asawa. Maaari ba ninyong ipaliwanag kung para saan ‘yun?
Sagot
Ang pap smear o pap test ay para sa kababaihan at ginagawa ito para malaman ang kondisyon ng cervix (bukana ng matris). Ang paptest ay bahagi ng pag-iingat sa kalusugan ngunit hindi ito paglilinis ng matris tulad ng inaakala ng karamihan sa kababaihan.
Kumukuha ng sample ng selula sa cervix o bukana ng matris gamit ang cotton swab at inilalagay sa slide upang siyasatin kung mayroong mga hindi pangkaraniwang pagbabago sa selula ng matris sa pamamagitan ng mikroskopyo. Kung ang mga pagbabagong ito ay makita at makontrol nang mas maaga, maaaring maiwasan ang higit sa 90 porsiyento ng pinakapangkaraniwang kanser sa matris.
Narito ang pinakatamang panahon para sa pap smear test:
Dalawang linggo pagkatapos ng buwanang dalaw o regla.
Kapag hindi nakipagtalik ng dalawa hanggang apat na araw bago magpaeksamin
Kapag hindi kayo naglagay ng anuman sa inyong vagina tulad ng foam o gamot ng dalawang araw (48-oras)
Kailangang magpa-pap smear test ang lahat ng mga babae oras na sila ay nag-umpisang makipagtalik (intercourse) isang beses sa loob ng isang taon at kailangan nilang ituloy ito hanggang sa edad 70.
Tumataas ang kapanganiban ng kanser sa cervix habang tumatanda. Kapag higit edad 50 ay kailangan pa rin ng pap test: Kung nakararanas kayo ng pagtalik, kahit hindi kayo nakikipagtalik, kahit nag-menopause na kayo (wala nang pagdurugo mula sa buwanang pagregla).
Ayon sa mga OB Gyne, puwede nang magpa-pap smear ang mga babaeng edad 21 pataas, may asawa man o wala lalo na kung sexually active.
Nakadepende aniya sa resulta ng unang pap smear kung gaano kadalas uulit sa ganitong klase ng pagpapasuring medikal ang babae.
Dapat madalas ang pap smear kung may human immunodeficiency virus (HIV) ang babae, mahina ang immune system o palaging nagkakasakit, gumagamit ng steroids at kapag na-diagnose na may cervical cancer.




Comments