top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Kasong libel/defamation, sa Regional Trial Court isinasampa kahit hindi lalagpas ng anim na taon ang

  • Persida Acosta
  • Apr 16, 2020
  • 2 min read

Dear Chief Acosta,

Matindi ang bangayan ng aking mga kapitbahay tungkol sa mga isyung kinakaharap nating lahat. Gayunman, hindi napigilan ng krisis ang ilan sa ating mga kasamahan sa lipunan at umabot pa sa punto ng pagpapalitan ng masasamang salita at sulat. Dahil dito, nagsampa ng kasong defamation at libel ang isa sa mga nasangkot.

Nagtaka ako kung bakit sa regional trial court isinampa ang kasong libel at defamation gayung malinaw sa batas na hindi lalagpas sa anim na taon ang penalty ng nasabing mga kaso. Bilang dating opisyal ng aming barangay, nais kong malinawan kung tama ba ito sapagkat noong ako ay nanunungkulan pa, sa aking pagkakaalala kapag hindi lumagpas ng anim na taon, dapat sa municipal trial court ito isinasampa. – Ime

Dear Ime,

Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Act No. 3815 o mas kilala sa tawag na Revised Penal Code (RPC). Nakasaad sa Article 355 at Article 358 ng RPC na ang penalty ng pagkakakulong sa Libel at Slander ay hindi lalagpas ng anim na taon at sa puntong ito ay tama kayo. Bukod pa rito, nakasaad din sa Section 32 ng Batas Pambansa Blg. 129 (B.P. 129) na inamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 7691, na ang Municipal Trial Court ang may hurisdiksyon sa mga kasong mayroong penalty na hindi lalagas ng anim na taon, viz:

“(2) Exclusive original jurisdiction over all offenses punishable with imprisonment not exceeding six (6) years irrespective of the amount of fine, and regardless of other imposable accessory or other penalties, xxx xxx xxx.”

Gayunman, bilang paglilinaw, ang probisyong ito ay qualified o binibigyan ng limitasyon sa pamamagitan ng mga salitang “Except in cases falling within the exclusive original jurisdiction of Regional Trial Courts,” na siya rin namang matatagpuan sa unang talata ng kaparehong seksiyon ng batas. Dahil dito, pumapasok ang probisyon ng Section 360 ng RPC na nagsasabing sa mga kaso ng Libel at Slander, ang Regional Trial Court ang may hurisdiksyon:

“Article 360. xxx xxx xxx “The criminal and civil action for damages in cases of written defamations as provided for in this chapter, shall be filed simultaneously or separately with the court of first instance (now Regional Trial Court) of the province or city where the libelous article is printed and first published or where any of the offended parties actually resides at the time of the commission of the offense, xxx xxx xxx.”

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinion kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa isang abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page