Hinahadlangan ng weak number kaya ‘di umuunlad sa buhay kaya dapat maging risk-taker
- Maestro Honorio Ong
- Apr 16, 2020
- 3 min read
Dear Maestro,
Naisipan kong kumonsulta sa inyo upang malaman ang kahulugan ng birthday kong November 29, 1989? Wala akong makitang tulad ng birthday ko na tinatalakay ninyo kaya naisipan kong sumangguni para malaman ang kahulugan ng mga numero kong ito? Anong negosyo ang bagay sa akin at kung ako ay makapag-a-abroad din?
Sana ay maanalisa rin ninyo ang ibig sabihin ng aking lagda at sulat-kamay, gayundin, anu-ano ang bagay na dapat at hindi ko dapat gawin upang ako ay lumigaya at magtagumpay sa buhay?
Umaasa,
Adelfa ng San Isidro, Pagsanjan, Laguna
Dear Adelfa,
Ayon sa birth date mong 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) at zodiac sign na Sagittarius, tapang ang magsisilbing susi upang ang tulad mong Sagittarius ay magtagumpay at lumigaya sa buhay. Bukod sa tapang, kailangan ay handa kang sumuong sa mga panganib at anumang hamon ng buhay. Kapag may tapang ang tulad mong Sagittarius, mas madali mong maiseselyo ang malaking pag-unlad at tagumpay.
Samantala, ang numero mong 29 o 2 ay weak number na nagiging sagabal upang maantala ang iyong malalaking tagumpay. Kaya kung mapananatili mo ang tapang at determinasyong hatid ng zodiac sign mong Sagittarius, sigurado ang magaganap, mas madali mong mapipitas ang bunga ng tagumpay sa lahat ng iyong mga pinapangarap sa buhay.
Ang problema lang sa mga Sagittarius, kahit may tapang silang taglay, sa panahong sila ay umiibig at na-in love, kadalasan ay sa maling tao sila napupunta at kapag nadapa, nagsisimulang gumuho at unti-unti nang pumapangit ang maganda sana nilang kapalaran, lalo na sa aspeto ng career at pangkabuhayan.
Kaya upang mapanatiling hawak mo ang tagumpay na iyong nakamit sa pamamagitan ng pakikipagsapalaran, mas okey kung pananatilihin mong lumakad sa matuwid at mabuting pamumuhay, lalo na sa aspetong pag-ibig at pakikipagrelasyon. Ibig sabihin, hindi bale nang magkamali sa lahat ng bagay, ‘wag lang sa pag-ibig. Sa ibang salita, kapag ikaw ay nadapa sa larangan ng pag-ibig, bumangon ka agad dahil hindi pa ‘yan ang katapusan ng iyong buhay sa mundo dahil ang totoo, mas marami pang magagandang kapalaran ang ipinapangako ng langit na mapipitas mo.
Kumbaga, kapag nagawa ng Sagittarius na umiwas sa maling relasyon at hangal na pag-ibig habang patuloy ang pagiging matapang at kumikilos nang buo ang loob, malaking tagumpay at pag-unlad ang ibibigay ng kapalaran sa kanila, higit lalo sa panahon ng kanilang middle hanggang late age kung saan magpi-peak ang kanilang mga suwerte at tagumpay sa buhay.
Samantala, ang iyong lagda ay okey at maganda, ang kailangan na lang ay lakihan at habaan mo ang pinaka-krokes ng letrang “t” sa iyong apilyedo. Sa ganyang lagda, tuluy-tuloy mong makakamit ang malalaking tagumpay sa career at aspetong pangkabuhayan.
Bagay naman sa iyo ang lahat ng uri ng negosyo na may kaugnayan sa pagluluto, pagtuturo at iba pang gawain o negosyong ginagamitan ng apoy, kuryente at maiinit na mga bagay. Habang ang pagiging guro, pagtatayo ng training school o rice mill ay puwede mo ring isaalang-alang.
Mapalad ka naman sa mga kulay na berde at pula, higit lalo sa mga petsang 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa mga araw ng Linggo at Lunes, Martes, Huwebes at Biyernes.
Kusa namang aangat ang mabuting kapalaran mula sa ika-20 ng Hulyo hanggang sa ika-25 ng Agosto, mula sa ika-20 ng Oktubre hanggang ika-30 ng Disyembre at mula sa ika-20 ng Marso hanggang ika-25 ng Abril.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, ang pinakamapalad mong taon ay 2023, 2029 at 2032 kung saan sa mga panahong nabanggit, habang patuloy mong sinusunod ang mga rekomendasyong inilahad, matutupad ang lahat ng iyong mga pangarap at adhikain hanggang sa tuluy-tuloy ka nang magtagumpay, yumaman at lumigaya habambuhay.




Comments