Schedule ng pagbabayad ng mga kontribusyon sa SSS, pinalawig dahil sa COVID-19
- Buti Na Lang May SSS
- Apr 12, 2020
- 2 min read
Buti na lang may SSS

Dear SSS,
Ako ay employer na nagkaroon ng delinquency sa pagbabayad ng SSS contributions. Noong nakaraang taon ay nag-apply ako sa Contribution Penalty Condonation Program at kasalukuyang nagbabayad sa ilalim ng programang ito. Ngunit, dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Metro Manila ay nahihirapan akong makatugon sa nakatakdang schedule ng pagbabayad. Ano ba ang maaari kong gawin? – Sonia
Sagot
Pinalawig na ng SSS ang schedule ng pagbabayad ng kontribusyon ng mga employer at maging mga miyembro nito ng hanggang Hunyo 1, 2020. Nauunawaan ng SSS na limitado ang pagkilos ng publiko dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa iba’t ibang lugar ng ating bansa, partikular sa Metro Manila. Kaya minarapat ng SSS na magkaroon ng adjustment sa regular na petsa ng pagbabayad ng kontribusyon ng mga employer at miyembro nito.
Para sa mga employer na nagbabayad ng installment sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation Program, pinalawig din ng SSS ang schedule ng inyong pagbabayad. Maaari ninyong i-deposito ang inyong post-dated checks para sa inyong mga hulog sa buwan ng Pebrero, Marso, Abril at Mayo 2020 hanggang sa Hunyo 1, 2020.
Maaari namang bayaran ng mga regular at household employer ang kontribusyon ng kanilang mga empleyado o kasambahay para sa Pebrero, Marso at Abril 2020 hanggang Hunyo 1, 2020. Ang kagandahan nito ay hindi na kayo papatawan ng anumang multa sa inyong mga late payments. Subalit, ang mga kontribusyon matapos ang Abril 2020 ay ibabalik na sa dating regular na schedule ng pagbabayad.
Samantala, pinalawig din ng SSS ang schedule ng pagbabayad ng kontribusyon ng mga individual paying members tulad ng mga self-employed, voluntary at non-working spouse. Binibigyan din sila ng hanggang Hunyo 1, 2020 upang bayaran ang kanilang kontribusyon para sa Enero, Pebrero at Marso 2020. Gayunman, ang mga kontribusyon sa mga buwan matapos ang Marso 2020 ay ibabalik na rin sa dating regular na schedule ng pagbabayad.
Pinapayuhan namin ang mga employer at miyembro na sumunod sa direktiba ng pamahalaan at manatili sa kanilang mga tahanan hanggang matapos ang quarantine period. Hindi na kayo dapat mag-alala sa deadline ng pagbabayad ng kontribusyon sa SSS dahil pinalawig na namin ito para sa inyo.
Samantala, mula sa pamunuan ng SSS, Happy Easter Sunday sa inyong lahat!
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa kanilang panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Maaari kayong magpasa ng inyong mga aplikasyon sa pamamagitan ng drop box system ng SSS branches sa National Capital Region (NCR) at Luzon Branches habang ipinapatupad ang enhanced community quarantine hanggang April 30, 2020. Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang taon.
Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.





Comments