Telemedicine, napakahalaga sa kritikal na sitwasyong pangkalusugan
- Sonny Angara
- Apr 11, 2020
- 2 min read

Halos mag-iisang buwan nang ipinatutupad sa bansa ang enhance community quarantine sa buong Luzon.
Wala pa ring puwedeng magtipun-tipon dahil mahigpit pa ring ipinatutupad ang social distancing.
At sa panahong ito, kung may karamdaman ka, liban sa COVID-19, hindi ka puwedeng basta-basta susugod sa ospital dahil napakadelikado. Paano ka nga naman makapagpapakonsulta sa ganitong sitwasyon natin?
Dito natin naisip, sana noon pa, naging pamosong opsiyon na ang telemedicine sa ating sangay ng medisina.
Pero sa katunayan, hindi na bago ang telemedicine dahil maalala natin, noong 2010, isinulong ng Congressional Commission on Science and Technology and Engineering (COMSTE) kung saan naging isa tayo sa mga miyembro at chairman naman ang ating yumaong ama na si dating Senate President Edgardo Angara ang ‘telehealth’.
Layunin natin sa pagsusulong ng telehealth na mabigyan ng atensiyong medikal ang mga kababayan nating mahihirap na naninirahan sa malalayong sulok ng bansa. Ito ay para hindi na sila mahirapang bumiyahe at gumastos paluwas ng lungsod o ng bayan para masuri ng doktor.
Ngayong dumaranas tayo ng krisis pangkalusugan, kainaman sana na magagamit nating lahat ang teknolohiyang ito.
Sa pamamagitan ng telemedicine, maaari ka nang masuri ng doktor sa pamamagitan ng video chat sa pamamagitan ng cellphone, personal computer o kahit sa tablet. Ang kailangan lang, may maayos na internet connection ang bawat isa.
At dahil posibleng mapalawak ang teknolohiyang ito sa lalong mdaling-panahon, hinihimok natin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na siguruhing may internet connection maging ang malalayong lugar.
Isinulong din ito ng COMSTE noon para magkaroon tayo ng digital medical records.
Sa ngayon, ipinagagamit na ng UP Manila-National Telehealth Center sa mga doktor at health workers ang eHealth at telemedicine tools sa pagbibigay ng dekalidad na pangangalaga sa kanilang mga pasyente.
Malaking tulong din ito sa Doctors to the Barrios program ng Department of Health (DOH), upang mabigyan ng nararapat na atensiyong medikal ang mga may karamdaman.
At ang magandang balita, sinabi ng DOH na mula noong Abril 7, libre na ang telemedicine consultations ng mga pasyenteng kailangan ang COVID-19 medical advice at iba pang uri ng sakit.
Ngayong tayo ay balik ‘work from home’ matapos tayong magkasakit, nakatakda nating isulong ang panukala na inendorso ng DOH – ang pagtatatag ng Philippine eHealth system and services na kapapalooban ng telehealth at telemedicine.
Sa ilalim ng panukalang ito, lilikhain at ipatutupad ang Health Sector Enterprise Architecture na tututok sa operasyon ng iba’t ibang eHealth services and applications.
Ipatutupad din dito ang paggamit ng electronic prescriptions upang sa mga panahong tulad ngayon na nasasailalim tayo sa quarantine ay maaari pa rin tayong maresetahan ng mga doktor.
♥♥♥
Nais muna nating ipaabot sa lahat ng mga doktor, nurse at health worker na nangalaga sa inyong lingkod sa St. Luke’s BGC ang aking taos-pusong pasasalamat sa kanilang pagsisikap na maisalba ang ating buhay laban sa COVID-19.
Sa ngayon, tayo ay patuloy na nagpapagaling sa ating tahanan habang 14 na araw na naka-quarantine pa rin sa kuwarto, hiwalay sa aking napakabait na maybahay na si Tootsy at sa aming mga anak.
Maraming-maraming salamat sa inyo at kaming lahat ay sumasaludo sa inyo.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments