top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Tamang pagpapatupad ng search warrant sa bahay

  • Persida Acosta
  • Apr 11, 2020
  • 2 min read

Dear Chief Acosta,

Pinasok ng armadong kalalakihan ang bahay ng kapatid ko noong Enero 30, 2020. Nagpakilala ang mga ito na mga pulis at nagpakita ng search warrant na may petsang Disyembre 02, 2019. Pinalabas ng mga pulis ang lahat ng mga tao sa loob ng bahay.

Nanatiling nasa labas ang kapatid ko at ang kanyang pamilya habang hinahalughog ng mga pulis ang buong bahay nila. Pagkatapos nito ay lumabas ang mga pulis at sinabing nakakuha sila ng mga ilegal na droga. Nais kong malaman kung tama ba ang ginawa ng mga pulis na nagpatupad ng search warrant sa bahay ng kapatid ko? – Abigail

Dear Abigail,

Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na iyong inilahad ay ang Sections 8 at 10 ng Rule 126, Search and Seizure, ng The Revised Rules of Criminal Procedure. Ayon sa nasabing batas:

“Section 8. Search of house, room, or premise to be made in presence of two witnesses. - No search of a house, room, or any other premise shall be made except in the presence of the lawful occupant thereof or any member of his family or in the absence of the latter, two witnesses of sufficient age and discretion residing in the same locality.

“Section 10. Validity of Search Warrant. - A search warrant shall be valid for ten (10) days from its date. Thereafter it shall be void.” (Binigyang-diin)

Malinaw na nilabag ng mga pulis ang tamang proseso sa pagpapatupad ng search warrant sa tahanan ng inyong kapatid. Ang search warrant na dala ng mga pulis na may petsang Disyembre 02, 2019 ay wala nang bisa sa kadahilanang balido lamang ang search warrant sa loob ng sampung (10) araw. Bukod pa rito, tanging ang mga pulis lamang na nagpatupad ng nasabing search warrant ang naiwan sa loob ng bahay ng inyong kapatid at walang naging saksi kung paano nakumpiska ng mga pulis ang ilegal na droga sa loob ng bahay ng inyong kapatid.

Samakatwid, sa inyong sitwasyon, ang mga pulis na nagpatupad ng search warrant sa bahay ng inyong kapatid ay hindi sumunod nang naaayon sa probisyon ng “Revised Rules on Criminal Procedure.”

Sana ay nasagot namin ang inyong katanungan. Tandaan na ang aming opinyon ay nakabatay lamang sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page