top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pag-spray ng disinfectant, binawal... Cong. sa DOH: Delikado sa balat o mamatay sa COVID-19?

  • Lolet Abania
  • Apr 11, 2020
  • 1 min read

Hiniling sa Department of Health (DOH) na bawiin ang inianunsiyo sa publiko na iwasan ang pagsasagawa ng misting o pag-spray ng disinfectants dahil walang garantiya na mapoprotektahan nito ang mapanganib na sakit na dulot ng COVID-19.

Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Laguna 1st District Congressman Dan Fernandez na nagsisimula na ang publiko na matuto sa mga pamamaraan na protektahan ang sarili laban sa nakamamatay na virus at ang spraying at misting disinfectants ay isa sa nakikitang paraan upang makatulong na labanan ang paglaganap ng epidemiya.

Dagdag pa ng kongresista, dapat ay mag-isip muna ang DOH sa pagbibigay ng pahayag at gumawa na lang ng aksiyon para malabanan ang paglaganap ng virus.

Matatandaang noong Abril 10, naglabas ng pahayag ang DOH sa publiko na nagsasabing walang matibay na ebidensiya na ang pagsasagawa ng misting sa loob at labas ng anumang lugar ay nakatutulong para patayin ang virus.

Sabi pa ng DOH, lubha pa ngang mapanganib sa kalusugan ang pagsasagawa ng spraying dahil bukod sa nakakasama ito sa respiratory system kapag nalanghap ang kemikal, nakakairita pa sa balat ng tao at nakakasira pa sa kalikasan.

Nanawagan pa nga ang DOH sa kanilang inilabas na anunsiyo na tigilan na ang pagsasagawa ng misting at spraying disinfectant sa panahong ito.

“Ano ba ang mas importante, ang kati ng balat o ang mamatay dahil sa COVID-19?” ani Fernandez.

Pinaalalahanan din nito ang DOH na ang misting at spraying ay pinahihintulutan at ginagawa ng mas mauunlad pang bansa tulad ng China habang ang US Defense for Disease Control ay may ipinaiiral na panuntunan na kailangang ma-disinfect ang mga pasilidad, maging sa labas at loob, kung may nagpositibo sa COVID-19.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page