top of page

Alamin: Tradisyon ng mga Pinoy tuwing Semana Santa

  • Justine Daguno
  • Apr 11, 2020
  • 2 min read

Likas sa ating mga Pinoy ang maraming pinaniniwalaan, partikular kapag mayroong ginugunita o anumang selebrasyon.

Sa kabila ng kinahaharap na kalbaryo ng bansa kaugnay ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic, hindi nito matitinag ang nakasanayang gawain ng Simbahang-Katolika kung saan gamit ang modernong teknolohiya, patuloy pa rin ang paggunita sa mahalagang araw na ito.

Kaugnay nito, narito ang ilan sa mga tradisyunal na gawain tuwing Semana Santa:

1. Linggo ng Palaspas. Ang Palm Sunday o Linggo ng Palaspas ang senyales ng pagsisimula ng Semana Santa. Ito ang simbolo ng masayang pagtanggap ng mga Kristiyano kay HesuKristo. Samantala, ayon sa simbahan, kung wala namang palaspas, maaaring gamitin ang kahit anong sanga na may dahon o anumang halaman na makikita sa bahay. Ilagay ito sa pinto o altar bilang simbolo ng pag-welcome ng pamilya kay HesuKristo. Pero taliwas sa paniniwala ng iba, hindi ito anting-anting o panlaban sa bagyo.

2. Ang “Huling Hapunan”. Tuwing Huwebes Santo, inaalala ang “Huling Hapunan” o Last Supper at katuwang nito ang pagbibigay ng Eukaristiya ni HesuKristo at paghuhugas sa mga paa ng 12 Niyang apostoles. Kaugnay nito, ang mga mananampalataya ay nagsasagawa rin ng mga pabasa, taimtim na pagdarasal at pagninilay-nilay.

3. Pag-alala sa kamatayan ng Panginoon. Sa Biyernes Santo naman ginugunita ang araw ng kamatayan ng Panginoon. Sa araw na ito rin madalas ginagawa ang pagbi-Visita Iglesia at pananalangin. Subalit, alinsunod sa mga protocols ng enhance community quarantine, hindi maaaring magsagawa ng malalaking pagtitipon o aktibidad sa labas ng bahay, inaanyayahan ng simbahan na manatili ang mga tao sa kani-kanilang bahay at doon na lamang ito gunitain at mag-alay ng dasal.

4. Eater Sunday o Salubong. Sa Easter Sunday o “Salubong” naman pinaniniwalaang muling nabuhay si HesuKristo kung saan patunay na “anak siya ng Diyos” at tinubos niya ang mga tao sa kasalanan.

Bagama’t sa kauna-unahang pagkakataon, hindi natin tradisyunal na maipagdiriwang ang Semana Santa, nawa’y huwag nating kalimutan ang kabuluhan nito.

Gamitin natin ang pagkakataong ito upang ipanalangin na mapagtagumpayan ang laban sa COVID-19.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page