Pangalan ng negosyo na magbibigay ng kalituhan sa publiko, bawal!
- Persida Acosta
- Apr 7, 2020
- 1 min read
Dear Chief Acosta,
Balak kong magnegosyo ng carwash station at nag-iisip ako ng mga kakaibang pangalan para rito. Kaugnay nito, maaari ko bang gamitin ang “Johnny’s Eatery” bilang pangalan nito kahit carwash lamang ang iaalok nitong serbisyo? – Johnny
Dear Johnny,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 123 (g) ng Republic Act No. 8293 o mas kilala sa tawag na Intellectual Property Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
“Section 123. Registrability – 123.1 A mark cannot be registered if it:
x x x
(g). Is likely to mislead the public, particularly as to the nature, quality, characteristics or geographical origin of the goods or services;”
Sang-ayon dito, malinaw sa batas na hindi maaaring gamitin ng negosyo ang pangalan na makapaglilinlang sa publiko ng totoong uri ng ibinibigay ninyong serbisyo. Samakatwid, hindi ninyo maaaring gamitin ang pangalang “Johnny’s Eatery” kung ang totoong serbisyong iaalok ninyo sa publiko ay ang pagbibigay ng carwash service.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyo na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments