Isinilang sa Year of the Rabbit, ‘di nakakapag-asawa dahil inuuna ang pagtulong sa kapwa
- Maestro Honorio Ong
- Apr 7, 2020
- 2 min read

Ituloy natin ang pag-aanalisa ng magiging kapalaran ng 12 animal signs ngayong Year of the Metal Rat.
Noong mga nakaraang araw, tinalakay natin ang kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Tiger ngayong 2020.
Ngayon naman, tatalakayin natin ang ugali at magiging sadlakang kapalaran nilang mga isinilang sa animal sign na Rabbit o Kuneho.
Kung ikaw ay isinilang noong 1915, 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011 at 2023, ikaw ay nasa ilalim ng Rabbit Personality.
Sinasabing ang animal sign na Rabbit o Kuneho ay siya ring zodiac sign na Pisces sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Neptune. Gayundin, mapalad ang direksiyong silangan, higit lalo sa ganap na alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng umaga.
Pinaniniwalaang higit na mapalad ang isang Kuneho kung siya ay isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init, kung ikukumpara sa mga kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-lamig o tag-ulan.
Tunay ngang kung may naghahangad ng kapayapaan, kapanatagan at kampanteng buhay, number one o nangunguna rito ang animal sign na Rabbit dahil para sa kanila, ang lahat ng ligaya at tagumpay sa buhay ay makakamit lamang sa mapayapa at tahimik na tahananan o pamayanan.
Kaya naman kapag magulo ang paligid, asahan mo nang tiyak na masisira ang diskarte ng Kuneho, subalit kung patitirahin mo siya sa subdivision o lugar na napaliligiran ng mga halaman, punong-kahoy at kalikasan, gayundin kung walang maingay, asahan mo na sadyang mapupuno ng ligaya at tagumpay sa kanyang buhay.
Ang isa pang nakatutuwang ugali ng Kuneho siya ay ang pagiging matulungin at mapagmahal kung saan hindi sila pumapayag na makakita ng pamilya na sobrang nagdarahop sa buhay. Gayundin, dahil sobrang baba ng kanilang loob, madaling nababagabag ang kanilang damdamin sa ganu’ng senaryo kaya kahit sila ay walang-wala, umasa ka at tiyak na aabutan niya ng tulong ang sinumang makikita niyang pamilya na may sobrang hirap na kalagayahan.
Ang totoo nito, bagay na bagay sa Kuneho ang propesyong pari, madre at mga nagmimisyonaryo na ang layunin ay tumulong nang tumulong at magpahatid ng ayuda sa mga mahihirap.
Dagdag pa rito, minsan ay matatagpuan ang Kuneho na hindi na nakapag-asawa, lalo na sa mga babae dahil ang ginawa niyang propesyon o pamilya ay ang mga mga kapwa na higit na nangangailangan o ang pagtulong sa kapwa.
Minsan, ito rin ang dahilan kung bakit ang mga Kuneho ay kapos sa personal na tagumpay at achievement sa buhay dahil karamihan sa kanila ay inuuna ang pagtulong at pagmamahal sa kapwa.
Kaya mas mainam kung ang propesyon ng Kuneho ay may kaugnayan agad sa nasabing mga gawain upang higit siyang magtagumpay at lumigaya, tulad ng pagiging social worker, pinuno ng mga charitable institutions at puwede rin sa kanila ang pamumolitika na may dalisay na layunin at hangaring tumulong sa kapwa kung saan tulad ng nasabi na, sa gawaing ‘yun sila higit na nagtatagumpay at nagiging maligaya.
Itutuloy




Comments