Magulong sistema sa tulong-pinansiyal, dahilan kaya ‘di makakubra ang mamamayan
- Imee R. Marcos
- Apr 6, 2020
- 1 min read
Kalituhan, maraming naguluhan, hindi malaman kung paano makakakubra ng tulong-pinansiyal mula sa pamahalaan.
‘Yan ang komento ng karaniwang mamamayan o ‘yung mga nasa marginalized sector at viral din sa social media ang inanunsiyong ayuda ng ating pamahalaan sa mga apektado ng Luzon-wide lockdown dahil sa COVID-19.
Hindi matukoy kung saan nga ba ang diprensiya, sa anunsiyo o sa kung paano ipinaliwanag o mahina ba ang pang-intindi ng karaniwang mamamayan o may pagkukulang talaga ang ating mga opisyal sa gobyerno? Ano ba talaga?
Juskuday, saan ba ang problema sa pagkuha ng tulong pinansiyal ng maliliit nating mga kababayan? Ang sa akin lang, mas okay siguro kung linawin at mas simplehan ang paliwanag para madaling unawain.
Hindi ako nang-ookray o kontra sa mga ginagawa ng ating gobyerno, gusto lang natin ay mas maipaintinding mabuti sa karaniwang mamamayan kung paano ang sistema ng pagbibigay ng ayuda sa kanila.
At sa atin namang mga kababayan, ;wag pasaway. Unang-una sumunod sa mga alituntunin kaugnay sa lockdown, magkaisa, maghintay, konting pasensiya sa lahat ng bagay, huwag idaan sa init ng ulo, hindi tayo dapat magkagulo at dapat iisa ang galaw natin kontra sa deadly virus na ito.
Kung may problema at hindi maintindihan o kung babagal-bagal man ang ayudang inaasahan, itanong muna sa kinauukulan para mas maliwanagan. Okay lang bumatikos basta mag-alok ng agad na kalutasan, mas keri ‘yan!
Sa ganitong krisis sa Pilipinas at kaliwat-kanang problema, plis lang, isantabi na muna ang kulay pulitika at sa halip ay makibahagi at tumulong na!





Comments