top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

P5K-P8K financial assistance sa mahihirap na pamilya, kasado na!

  • Sonny Angara
  • Apr 4, 2020
  • 2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Tulad ng iniatas ng Pangulo sa mga ahensiya ng gobyerno na mangunguna sa pagbibigay-ayuda sa mamamayan, agad nang nagpadala ng paunang P100 bilyon ang Department of Budget and Management (DBM) mula sa kabuuang P200 bilyong amelioration fund sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

At muli nating lilinawin, bawat pamilya na nakapaloob sa 18 milyong Pinoy na benepisaryo ng programang ito ay tatanggap ng mula P5, 000 hanggang P8, 000 financial support mula sa gobyerno sa loob ng dalawang buwan.

Liban sa tulong-pinansiyal na ‘yan, tatanggap din sila ng family food packs.

Magandang balita ‘yan, pero ang kailangan naman ngayon, sana’y maging tuluy-tuloy at walang mga aberyang magaganap sa paghahatid tulong na ito.

Sakop ng Social Amelioration Program ng DSWD ang senior citizens, pregnant and lactating women, PWDs at OFWs na nawala ng trabaho matapos ma-repatriate o ma-ban dahil pa rin sa paglaganap ng coronavirus.

Kasama rin sa mga benepisaryo ang solo parents, indigent indigenous groups, pinakamahihirap na pamilya, informal sector tulad ng mga karpintero, tricycle o pedicab drivers, kasambahay at family drivers na stay-out, magtataho at marami pang iba.

Kabilang din ang mga pakyawan workers, arawan o tinatawag na ‘no-work-no pay’ at maging ang mga miyembro ng 4Ps ay tatanggap din ng amelioration fund.

Umaasa tayong sa pagsisimula ng programa ay hindi maging pahirapan sa mga kababayan natin ang pagtanggap ng ayuda.

Alam natin ang kalagayan ng mamamayan sa sitwasyong kinasasadlakan natin ngayon.

Marami na tayong nababalitaang paglabag sa quarantine rules, pagrerebelde ng ilang residente dahil hindi na nila matiis ang gutom.

Kaya pakiusap natin sa mga kinauukulan, ibigay natin sa lalong madaling panahon ang mga tulong na ito.

Isang buwan ipatutupad ang enhance community quarantine sa buong bansa at kung babagal-bagal tayo sa pagsuporta sa ating mga kababayan, hindi magtatagal at talagang lalabag na sila sa batas. Huwag nating hintayin na mangyari pa ‘yan.

Kamakailan, nanawagan tayo sa DSWD na madaliin ang pagkakaloob ng tulong sa mga naghihikahos nating mga kababayan. At tayo ay nagpapasalamat dahil tayo ay kanilang pinakinggan.

Dalawang linggo na mula nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan to Heal as One Act na kinapapalooban ng iba’t ibang aksiyon ng gobyerno kontra COVID-19 at kasama riyan ang ayuda sa mahihirap at naghihikahos.

‘Ika nga ni Pangulong Duterte, may pera tayo kaya walang lusot ang mga kinauukulang ahensiya para hindi maipahatid sa lalong madaling panahon ang tulong.

Hindi biro ‘yung wala tayong trabaho o pinagkakakitaan sa loob ng isang buwan kaya maawa tayo sa mga maralita nating kababayan. Huwag natin silang paghintayin na parang namamalimos. Nagbabayad sila ng buwis na nagpapabangon sa ating ekonomiya, panahon na para tulungan din sila.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page