Kahirapan at kapansanan hindi hadlang para tumulong sa kapwa
- Ryan B. Sison
- Apr 4, 2020
- 2 min read

Sa panahon ngayong marami tayong kababayan na nahihirapan dahil umaasa lang sa tulong ng gobyerno, tila napakaimposible na tumulong ng ordinaryong mamamayan sa kapwa.
Tipong kahit gustuhin nating umalalay sa nangangailangan, hindi natin magawa dahil hindi uubra ‘yung sinasabing isusubo mo na lang, ibibigay mo pa sa ibang tao.
Gayunman, isantabi muna natin ang bad vibes mula sa mga balitang napapanood, naririnig at nababasa natin kaya dumako muna tayo sa positibong pangyayari sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic.
Hindi naging hadlang ang kapansanan ng isang person with disability (PWD) para tumulong sa mga kababayang apektado ng enhanced community quarantine sa Batac City, Ilocos Norte.
Mula sa sariling bulsa ni “Uncle Basil”, 32-anyos, ng Quiling Norte, ang mga ipinamahagi niyang relief goods. Ibinenta ni Uncle Basil ang mga napupulot na kalakal na gamit at basura at ito ang ipinambili niya ng ipinamigay na tulong.
Sa loob ng isang buwan, nakalikom siya ng P4, 000 at agad na namili ng bigas, tinapay, de-latang pagkain at iba para ipamahagi.
Sa kabila ng pinagdaraanan natin ngayon, nakakatuwa dahil may mga tao pa ring handang tumulong kahit hirap din sila sa buhay.
Patunay lang na hindi mayayaman at pulitiko ang may kakayahang tumulong dahil lahat tayo ay may kayang gawin sa kahit na anong paraan.
Magsilbi sanang inspirasyon si Uncle Basil sa ating lahat na hindi natin kailangan ng malaking halaga at posisyon para makatulong sa kapwa.
Sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagmamahal sa isa’t isa, makakayanan nating alalayan ang bawat isa sa gitna ng pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments