Nananamantala at manloloko sa gitna ng COVID-19 pandemic, sampolan para ‘di tularan
- Ryan B. Sison
- Apr 1, 2020
- 2 min read

Mahigpit pa ring ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon kaya naman kakaunti lang ang mga taong makikita sa labas, gayundin, patuloy na nagpapatrulya ang kapulisan para masiguradong nasusunod ang mga patakarang umiiral.
Ngunit paano kung nasita ka na, kinotongan ka pa?
Kaugnay nito, nahaharap sa kasong Robbery Extortion at Usurpation of Authority ang isang lalaki hindi dahil sa pambabastos o paglabag sa umiiral na panuntunan kundi dahil sa pagpapanggap na pulis at pangongotong sa mga diumano’y lumabag sa community quarantine sa Maynila.
Base sa ulat, ala-1:00 ng hapon nang lapitan ng dalawang biktima sa mga pulis na nagpapatrulya sa Pedro Gil St., Ermita, Manila. Anila, sinita sila ng suspek dahil sa paglabag sa community quarantine at nang malamang hindi sila residente ng lugar ay hiningan sila nito ng pera at aabot sa P10,v500 ang natangay sa kanila.
Dahil dito, agad na umaksiyon ang mga pulis at nasakote ang suspek na 43-anyos at construction worker, na akmang tatakas.
Nakadidismaya dahil sa kabila ng krisis na pinagdaraanan natin, meron pa rin talagang mga abusadong umaasa sa ganitong gawain.
Panawagan sa mga awtoridad, patuloy n’yo sanang parusahan ang mga mapagsamantala para hindi sila tularan ng iba.
Kayong mga mapagsamantala, kung kailangan ninyo ng pera, kitain ninyo ito sa tamang paraan at hindi sa panlalamang sa mga kapwa n’yo nangangailangan. Pare-pareho tayong gipit at nahihirapan kaya sana, maging patas kayo.
‘Wag kayong maging salot para lang sa pera. Mas malala pa kayo kesa sa virus.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments