Mayor ng Baras, Rizal positive sa COVID-19
- V. Reyes
- Apr 1, 2020
- 1 min read

Nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 ang isa pang lokal na opisyal sa lalawigan ng Rizal at nadagdag sa listahan ang alkalde ng bayan ng Baras na si Kathrine Robles.
Sa kanyang pahayag sa opisyal na Facebook account ng munisipalidad ng Baras, sinabi ni Robles na posibleng may nakasalamuha siyang positibo sa COVID-19 sa panahong nagtungo siya sa ibang bayan para makipag-ugnayan sa mga programa ng kanilang lokal na pamahalaan.
"Sa kasalukuyan, ako po ay nasa “stable condition” o maayos na kalagayan. Ito po ay aking ipinagbigay-alam upang ang lahat ng aking nakasalamuha mula Marso 18, ay kailangang sumangguni sa ating Municipal Health Office para sa “contact tracing” at sa pagsasagawa ng home quarantine," pahayag ng alkalde.
Sa kabila nito, tiniyak ni Robles na magpapatuloy ang kanyang trabaho kahit nananatili sa bahay at inoobserbahan ang kalusugan.
Patuloy din ang kanyang paghimok sa mga Barasenyo na patindihin pa ang kampanya kontra COVID-19 at ang pagsunod sa mga alituntunin ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force (IATF).




Comments