Hindi porke walang sintomas, may “K” na lumabag sa Luzon-wide quarantine!
- Bobi Tiglao
- Apr 1, 2020
- 2 min read
Huwag tayong matakot kung araw-araw man tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa ating bansa.
Hindi ibig sabihin na kapag nagpositibo ang pasyente ay awtomatik agad itong mamamatay, ngunit kailangan pa ring mag-ingat sapagkat nakahahawa ang sakit na ito.
Seryoso ang tama nito sa mga matatanda lalo na kapag ang pasyente ay mayroong ibang karamdaman tulad ng diabetes at sakit sa puso.
Sa huling tala habang isinusulat natin ang pitak na ito, umabot na sa mahigit 2, 000 ang mga nagpositibo sa COVID-19 habang 88 ang kumpirmadong namatay at 49 naman ang nakarekober sa Pilipinas.
Pero sa mga pasaway d’yan, hindi porke malakas ang iyong katawan ay lalabag na kayo sa Luzon-wide quarantine. Kahit wala kayong sintomas, may posibilidad na maging “carrier” kayo ng virus at posibleng mahawahan ninyo ang ibang tao kapag pakalat-kalat kayo sa kalye.
Maraming nagtatanong kung bakit hindi i-test ang lahat ng tao para madaling malaman kung sinu-sino ang mga nagpositibo?
Ito ay dahil hindi tayo mayamang bansa tulad ng South Korea at Singapore. Kayang-kaya nilang bumili ng maraming testing kits at iba pang kagamitan.
Samantalang, tayo ay ngayon pa lang umuunlad sa ilalim ng administrasyong Duterte. Pasalamat tayo at magaling sa diplomasiya si Pangulong Rodrigo Duterte kaya maraming bansa sa Asya ang nagdo-donate ng testing kit at iba pang kagamitan.
Sa totoo lang, bilib ako sa kasalukuyang gobyerno sapagkat mabilis itong rumesponde sa krisis.
Sa pagputok pa lamang ng COVID-19—iilan pa lang ang kaso nito sa bansa—ay nagdesisyon na ang administrasyon na mag-utos ng travel ban at kasunod nito ay enhance community quarantine na kasalukuyang nakataas sa buong Luzon.
Kasama sa kautusan ay ang pagsuspinde ng pasok sa eskuwelahan, pampublikong transportasyon kabilang ang biyahe sa eroplano, barko at iba pa. Ipinagbabawal din ang malakihang pagtitipon at ipinasara na rin ang maraming establisimyento maliban sa mga ang grocery, supermarket, botika at iba pang negosyo na nagbibigay ng pangunahing serbisyo.
Sa ngayon, hindi natin alam kung itutuloy pa ang ECQ matapos ang Abril 12 o kung tatanggalin na ito. Kung ibabase sa nangyari sa Wuhan, China, hanggang ngayon ay istrikto pa rin sila sa pagkilos ng mga tao.
Bagaman unti-unting nakokontrol ang COVID-19 sa China, hindi pa rin sila kampante. Sa ngayon, ang mga bagong kaso sa China ay mula sa mga Chinese na galing sa abroad na umuwi sa kanilang bansa.
Samantala, nasa US at Europa, mas matindi ang epekto ng deadly virus kung saan nalagpasan na ng Italy ang China sa bilang ng kumpirmadong kaso, gayundin ang mga namatay sa sakit na ito.
Bagama’t wala pang gamot na naturang deadly virus, umaasa tayong matatapos din ang lahat sa lalong madaling panahon lalo na kung makikipagtulungan ang bawat isa.





Comments