Dahil sa relief goods... Mga residente sa Kyusi nag-rally, pinagdadampot
- V. Reyes
- Apr 1, 2020
- 2 min read

Nauwi sa tensyon ang pagdakip ng mga awtoridad sa ilang residente sa Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City na nagprotesta at nagbarikada sa kanto ng Quezon Avenue at EDSA kaninang umaga.
Inirereklamo ng mga residente na wala silang nakukuhang tulong mula sa barangay gayundin sa lokal na pamahalaan ng Quezon City pati sa national government kaya minabuti nilang mag-rally.
Gayunman, dahil sa nalalabag ang protocol ng enhanced community quarantine patungkol sa social distancing at mayroon umanong insidente ng batuhan ay napilitan na ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) na buwagin na ang barikada at pagdadamputin ang ilan sa mga residente.
Ayon sa QCPD, nasa 20 residente na pinamumunuan ng isang Jocy Lopez, 47-anyos, ang nadakip nito bandang alas-11:00 ng umaga.
Sinubukan naman umano ng pulisya na maayos na pakiusapan ang mga residente ngunit, tumangging sumunod ang mga ito.
Samantala, itinuro ni Rannie Ludovica, Action Officer ng Task Force Disiplina ng Quezon City, ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na nasa likod umano ng paghihikayat sa mga residente ng Sitio San Roque na hindi nakatatanggap ng relief goods para magbarikada.
Sinabi ni Ludovica na ipinagkalat ng Kadamay na may mga mamimigay ng tulong sa EDSA kaya sumama ang mga residente.
Tiniyak ni Ludovica na makatatanggap din ng tulong ang mga taga-Sitio San Roque dahil ginagawan na ito ng paraan ng Quezon City government.
Nasa kustodiya na ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit ang mga naarestong residente para sa pagsasampa ng kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act 11469 (Bayanihan to Heal As One Act) at Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act).





Comments