Sanhi at lunas sa galis
- Shane Ludovice
- Mar 31, 2020
- 2 min read

Dear Doc. Shane,
Nagkaroon ng galis ang aking 7 years old na anak at hindi ko alam kung paano niya ito nakuha. Natatakot akong baka mahawaan ang iba pa niyang kapatid na edad 3 at 5. Ano ang mabisang gamot na puwedeng ipahid? – Eva
Sagot
Ang pagkakaroon ng galis sa balat o scabies ay sakit na dulot ng impestasyon ng maliliit na kuto sa balat. Ito ay nagdudulot ng matinding pangangati sa balat at pagsusugat dahil sa sobrang pagkamot. Mabilis itong makahawa kung madidikit ang apektadong balat sa ibang balat (skin to skin contact) ngunit madali rin namang magamot kung mapapatay ang mga kutong naninirahan sa balat.
Ang pagkakaroon ng galis sa balat ay pangkaraniwang kondisyon na nakaaapekto sa maraming tao sa buong mundo. At wala rin itong pinipiling edad na maaapektuhan.
Ang pananalasa ng mga maliliit na kuto ay madalas sa mga bahaging tulad ng dibdib, tiyan, braso, kamay at puwit.
Ano ang salik na nagpapataaas ng panganib ng pagkahawa nitong galis?
Ang anumang gawain na mangangailangan ng pagdikit ng mga balat tulad ng pakikipagtalik o pagyayakapan ang mga pangunahing paraan na nakapagpapataas ng panganib ng pagkahahawa sa sakit. Ang mga maliliit na kuto ay hindi nakatatalon o lumilipad, bagkus ay nakalilipat lang sa balat ng iba kung magdidikit ang mga balat.
Narito ang ilan sa mga lunas sa galis:
Permethrin. Maaaring gamitin ang permethrin sa balat mula leeg pababa sa katawan. Ito ay ipinapahid lamang sa mga apektadong lugar at iniiwan sa balat nang buong magdamag bago hugasan at kadalasan isinasagawa sa loob ng isang linggo.
Lindane. Ito ay parang lotion na ipinapahid sa apektadong balat. Tandaan, maaaring madulot ng panginginig ng mga kalamnan (seizure) at ipinagbabawal sa buntis o sa nagpapasuso.
Ivermectin. Ito ay iniinom na gamot para sa ilang kondisyon ng pagkakaroon ng parasitiko sa katawan kabilang na ang pagkakaroon ng galis.
Crotamiton. Ito ay ipinapahid sa apektadong balat para sa mga matatanda. Hindi ito rekomendado sa balat ng mga bata.
Sulfur. Ito ay inihahalo sa cream na mabisa at ligtas na paraan para maalis ang pananalasa ng mga kuto sa balat.
Diphenhydramine. Maaari ring gumamit diphenhydramine upang maibsan ang pangangati na nararanasan.




Comments