LGUs, ‘wag mamili ng bibigyan ng tulong, pantay-pantay dapat
- Ryan B. Sison
- Mar 29, 2020
- 2 min read

Kung marami ang residenteng todo-pasalamat sa kanilang lokal na pamahalaan dahil sa magagandang serbisyong ibinibigay sa kanila ngayong may enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Gayunman, kung may mga residenteng “pinagpala”, meron ding imbiyerna dahil tila wa’ ‘wenta umano ang kanilang lider at hindi maramdaman kung kailan kailangan.
Tulad na lang ng isang barangay sa Taytay, Rizal kung saan bitbit ang mga kaldero bilang pampaingay, nangalampag ang mga residente sa barangay hall dahil hindi umano sila nabigyan ng relief goods noong nakaraang araw.
Sama-samang kinalampag ng mga residente ang kanilang barangay chairman dahil pili lang umano ang binibigyan nito ng relief goods sa kanilang lugar.
Ngunit paliwanag ng kapitan, wala silang pinipili sa relief pack distribution. Gayunman, nagpasya silang itigil ang pamimigay noong isang araw dahil hindi na makontrol ang mga tao.
Dagdag pa ng kapitan, ayaw pumasok sa tahanan ng mga residente at nagkalat ang mga ito sa kalsada, gayundin, inaaway ang mga staff ng barangay kaya hindi natuloy ang operasyon. Nang naman natuloy ang pamimigay, may nang-agaw pa sa mismong nagbibigay ng relief goods.
Ang ending, nakiusap pa ang kapitan na maging mahinahon at sumunod sa proseso ng pamimigay ng relief goods dahil lahat ay mabibigyan.
Paalala natin sa mga residente, nauunawaan natin na kumakalam ang sikmura ninyo, pero sana, unawain niyo rin na nagsisikap ang mga lokal na pamahalaan para maibigay ang inyong pangangailangan kaya ‘wag naman sana kayong maging pasaway.
Kapag sinabing maghintay, matuto tayong maghintay dahil hindi naman sila pupunta sa lugar ninyo kung hindi kayo mabibigyan.
Para sa mga barangay chairman, siguraduhin ninyong lahat ng residente ay maaabutan ng tulong. Ipakita ninyo ang inyong malasakit sa mga taong naghalal sa inyo – mahirap man o mayaman. Pantay-pantay dapat!
Tayo namang publiko, maging mahinahon at makipagtulungan tayo. Kung may concern, ‘wag ho nating daanin sa galit.
Malawak na pang-unawa ang kailangan natin para makatulong sa isa’t isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments