OFW na mister, ‘di dapat pagdudahan na may iba dahil takot gumawa ng kasalanan ang mga taong 16
- Maestro Honorio Ong
- Mar 26, 2020
- 2 min read
Dear Maestro,
Nasa abroad ang mister ko, may ibang babae kaya siya roon? Sa ngayon, bihira na siyang tumawag at makipag-chat sa akin. Gusto ko sanang makatiyak kung may babae siya o wala dahil kapag tinatanong ko siya kung bakit bihira na siyang mag-online, busy lang daw siya at ipinagbawal na rin daw sa office nila ang madalas na pag-o-online. Totoo kaya ang mga alibi niyang ito? Kinakabahan kasi ako na baka may babae siya at magkahiwalay kami. Ano ang masasabi ninyo sa aming mga birthday? January 16, 1980 ang birthday ng mister ko at July 2, 1982 naman ako.
Umaasa,
Aida ng San Vicente, Orion, Bataan
Dear Aida,
Upang magtagal ang relasyon, alam nating lahat na ang isa sa pinakamahalagang sangkap ay ang pagtitiwala dahil kung wala kang tiwala sa iyong karelasyon o asawa, talagang mawalay lang siya sa iyo ng isang saglit, lalo na kung maganda o guwapo ang partner mo, talaga namang kakabahan ka na at hindi mapapakali.
Pero hindi ganu’n ‘yun dahil kung sadyang nililok at hinubog sa tapat na pagmamahalan ang inyong relasyon, kahit mag-abroad pa ang iyong partner, dahil may tiwala ka sa kanya, mananatiling payapa ang isipan mo dahil alam mong mahal na mahal ka niya at mahal na mahal mo rin siya.
Basta’t nagtitiwala ang isa’t isa sa sinumpaan at ipinangakong pag-ibig ng mga pusong nagmamahalan, palaging walang problema dahil buo ang tiwala mo sa kanya at ganundin siya sa iyo.
Samantala, ang birthday na January 16, 1980 ng mister mo ang nagsasabing hindi magagawang mambabae ng mister mo nasa abroad dahil bihira lang sa mga may birth date na 16 ang nambababae dahil likas na duwag at takot silang gumawa ng kasalanan. Dagdag pa rito, ang zodiac sign niyang Capricorn ay sadya namang tugma at compatible sa zodiac sign mong Cancer, gayundin ang birth date niyang 16 ay tunay na tugma at suwetong-suweto sa birth date mong 2.
Ibig sabihin, kahit mag-isip ka ng negatibo o paghinalaan mo pa si mister na may ibang babae sa abroad, imposibleng mangyari ‘yun dahil ang inyong zodiac sign at mga numero ang nagsasabing anuman ang mangyari, mananatiling tapat ang pag-iibigan ninyo sa isa’t isa, kumbaga, kahit bihira siyang makipag-usap sa iyo, wala kang dapat alalahanin, sa halip, magtiwala ka dahil malamang na busy siya o naghigpit ang company nila sa paggamit ng computer o cellphone. Magtiwala ka sa iyong asawa dahil sa bandang huli, tiyak pa rin naman ang nakatakda— anuman ang mangyari, siguradong hindi matitinag ang pagmamahalan ninyo sa isa’t isa kaya umasa kang kahit malayo sa piling mo si mister, darating ang panahong uuwi siya nang wala kang kaagaw hanggang sa mananatili pa ring buo at maligaya ang inyong pamilya habambuhay.




Comments