World Chess Olympiad Iniatras na ang Torneo sa 2021
- Eddie M. Paez, Jr.
- Mar 25, 2020
- 2 min read

Hindi na itutuloy ng International Chess Federation o FIDE ang prestihiyosong 44th Chess Olympiad, kasama na ang tunggalian para sa mga players with disabilities, ngayong Hulyo at Agosto at sa halip ay magkikita-kita na lang ang mga kawal ng ahedres mula sa iba't-ibang bansa sa 2021 kung saan tatayo pa rin bilang punong-abala ang Moscow at Khanty-Mansiysk.
Pero hindi nagpapaawat ang world governing body ng chess sa patuloy na pagdaraos ng malupit na FIDE Candidates 2020 sa palaruan ng Hyatt Regency Hotel sa Yekaterinburg, Russia. Ngayon ay tapos na ang anim na rounds ng bakbakan sa double-round robin ng kompetisyon at kasalukuyang ginagamit ng walong aspirante ang pangalawang rest day.
Pero hindi ordinaryo ang pahingang ito para sa mga kalahok dahil sa banta ng pandemic na coronavirus o Covid-19. Naalerto ang karamihan nang mapansin sa isang panayam ang madalas ng pag-ubo pagkatapos ng round 6 ng tumatrangkong si Grandmaster Ian Nepomnichtchi ng Russia na may 4.5 mula sa posibleng anim na puntos. Napawi naman ito nang mapag-alamang dalawang beses nang sumailalim ang Ruso sa Covid-19 test at pareho namang negatibo ang resulta. Pero sinabi niyang masama ang kanyang pakiramdam at "the whole atmosphere doesn't help to make you feel safety"..
Sabi naman ng isang tagasubaybay online, "shame on FIDE and its president Arkady for holding the candidates while the entire world is fighting the panic and death caused by the virus. . . the morals can't be lower”.
Ani FIDE Director General Emil Sutovsky, "I would say that stopping the event would be a huge blow for chess. Not just for FIDE. And most players understand it. I saw (GM Fabiano) Caruana's interview and he clearly understands why we go ahead with the event."
Sa kasalukuyan, nakalatag sa torneo ang mga sumusunod na panuntunan bilang proteksyon sa mga kalahok ng torneong naghahanap ng may kakayahang humamon sa kasalukuyang world champion at Norwegian GM Marnus Carlsen:
1. walang manonood ang pinapayagan sa playing arena;
2. nililimitahan lang sa limang minuto at sa accredited na indibidwal ang lugar para sa mga seremonya sa pagsisimula ng kada round;
3. ang pagkuha ng larawan ay maari lang gawin sa distansiyang hindi bababa sa anim na metro.;
4. paulit-ulit na COVID-19 test para sa lahat ng may kinalaman sa palaro. Iniiwasan na rin ang pagkikipagkamay ng mga kalahok sa isa't-isa at sa halip ay "elbow bump" na lang ang ginagawa bagama't sa isport na ito ay normal na ang handshake.





Comments