Coronavirus, sama-sama nating labanan, “Bayanihan to Heal as One Act”!
- Nancy Binay
- Mar 25, 2020
- 2 min read
Ipinasa kahapon ang Senate Bill No. 1418 o ang “Bayanihan to Heal as One Act”, matapos magdaos ang House of Representatives at Senate ng special session.
Ang batas na ito ay naglalayong bigyan si Pangulong Rodrigo Duterte ng kakayahan na mag-realign ng available na budget ng bansa bilang pagtugon sa state of national emergency bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Maaari ring mag-reallocate ang pangulo ng P175 bilyon mula sa mga government-owned and controlled corporations. Dagdag pa rito ay P100 bilyon mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Nagdagag din ang Senado ng amendment upang mabigyan ng dagdag na benepisyo ang mga health workers natin, lalo ang mga maiimpeksiyon dala ng kanilang frontline duties.
Binibigyan din ang pangulo ng awtoridad na pansamantalang direktahan ang mga pribadong ospital, passenger vessels at iba pang gusali na gamitin ang mga ito bilang temporary housing ng mga health workers, quarantine area o aid distribution center. Ang mga public transport facility naman ay gagamitin sa paghatid sa mga frontline workers.
◘◘◘
Isa sa mahalagang aspekto ng panukalang-batas na ito ang ayuda sa 18 milyong low-income na pamilya na aabot mula P5, 000 hanggang P8,000 na nakadepende sa minimum daily wage sa kanilang rehiyon.
Kasama sa 18 milyong pamilyang ito ang 4.4 milyon na pamilyang benepisaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps.
Ang probisyong ito ay bilang pagkilala na sa ganitong krisis ay dehado ang mga mahihirap nating kababayan sa pagharap sa epekto ng COVID-19.
◘◘◘
Inabot ng madaling araw ang deliberasyon ng batas na ito. Hindi tinanggap ng Senado ang ginawang draft at bersyon ng Palasyo na bigyan ng karagdagang kapangyarihan ang Ehekutibo na mag-“takeover” ng “critical industries”.
Sinuri at siniguro ng Senado na mas klaro at ayon sa Konstitusyon ang mga probisyon upang mapawi ang takot at agam-agam na pagtatangka ito ng “take over”.
Naniniwala tayong hindi dapat sayangin ng taumbayan ang pagkakataong ito. Nakikinig ang Senado sa inyong mga hinaing, takot at suhestiyon. Ang batas ay para sa tao at ang batas na ito ay patunay na hindi bingi ang Senado.
Umaasa tayong sa mga susunod pang pagkakataon ay hindi mangingimi ang mga kababayan natin na magbigay ng mungkahi at kritisismo sa mga ginagawa nating batas.
Ang batas na ito, na pinirmahan na ng pangulo ay isa lamang sa mga hakbang ng pamahalaan sa pagsugpo ng banta ng COVID-19.
Tulad ng ipinahihiwatig ng titulo ng batas, kinakailangang mag-bayanihan tayo, magbakas ng lakas at isip.
Malalagpasan din natin ito.
◘◘◘
Paalala lamang sa lahat na manatiling sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments