Mga pribadong ospital, 'di na tatanggap ng may COVID-19 na kailangang i-confine
- Madel Moratillo
- Mar 24, 2020
- 1 min read

Nag-anunsiyo ang pamunuan ng St. Luke's Medical Center Quezon City at Global City na simula ngayong araw ay hindi muna sila tatanggap ng mga pasyente na may Coronavirus Disease 2019 na kailangang i-confine.
Nakasaad sa advisory na kapwa lumagpas na umano sa kanilang maximum capacity ang mga nasabing ospital at ang pagtanggap pa ng covid patients ay magdudulot ng malaking epekto sa kanilang kakayahan na matugunan ang mga pasyente lalo na ang mga nasa kritikal na kondisyon. Maliban sa mga covid patient, may iba pa umano silang pasyente na hindi naman maaaring makompromiso ang
health condition.

Sa ngayon, sa St. Luke's ay nasa 48 covid positive patient, 139 person under investigation ang kanilang inoobserbahan habang 592 ng kanilang frontline health workers ang naka-quarantine. Ang kaya lang umanong ma-accommodate ng St. Luke's ay mga outpatient na covid case.
Ang The Medical City ay nag-anunsiyo na rin na hindi na nila kayang tumanggap ng pasyente. Ayon sa TMC, sa ngayon ay nasa 18 covid positive at 64 PUI ang naka-admit sa kanila.
May 11 pasyente pa umano ang nasa emergency room at naghihintay ng kwarto, 6 ang naka- mechanical ventilator at 5 ang kritikal. 137 naman sa kanilang health workers ang naka- quarantine.
Dahil dito, naabot na umano nila ang kanilang maximum capacity, maging ang kanilang work force at mga pasilidad.





Comments