Magnilay-nilay tayo sa panahon ng enhanced community quarantine
- Bong Revilla
- Mar 24, 2020
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Sa panahong ito na halos lahat ng ating mga kababayan ay hindi makalabas ng bahay dahil sa ipinatutupad ng enhanced community quarantine, sana ay magamit din natin ito sa pagninilay-nilay.
Naiintindihan natin ang nararamdaman ng ating mga kababayan na hindi makatawid sa mga checkpoint at hindi makapaghanapbuhay lalo na ‘yung mga kababayan nating kung hindi kikilos ay hindi kakain.
At ito ang isa sa may pinakamahirap na sitwasyon partikular ang mga magulang na nag-iisip kung paano pakakainin ang kanilang mga anak sa gitna ng pakikipaglaban sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Noon, kahit sumakit ang ating ulo, kahit sumabay pa ang ubo at sipon ay balewala lamang at tuloy pa rin sa paghahanapbuhay habang umiinom lamang ng tabletang nabibili sa tindahan.
Ngunit ngayon, sumakit lang ang ulo o magkalagnat lang ay kakaiba na ang agad ang ating reaksiyon dahil araw-araw ay may nahahawa at may naitatalang namamatay.
Pero dahil sa ipinatutupad ng pamahalaan na enhanced community quarantine ay wala na tayong magagawa kundi ang sumunod para makaiwas na maging biktima ng virus.
Palaging mag-monitor sa bilin ng pamahalaan partikular ang mula sa Department of Health (DOH) at huwag maniwala sa mga komento ng kung sinu-sino sa social media at mag-ingat sa fake news.
Sa ngayon ay makabubuting gamitin ang pagkakataong ito upang makapagnilay-nilay o makapag-isip ng taimtim para mapagtanto natin ang mga bagay-bagay sa ating buhay.
Noon ay nagrereklamo tayo dahil sobrang sikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA at iba pang kalye sa Metro Manila ngunit kahit hindi umuusad ay nagagawa mong maidlip kung hindi ikaw ang nagmamaneho.
Maging sa pagsakay ng LRT at MRT na dati-rati ay halos magkapalit-palit na ang mga mukha ng mga pasahero ngunit masaya at mabilis silang nakakauwi ng kani-kanilang mga bahay.
May ilan pa tayong kababayan na kapag araw ng suweldo ay hindi agad umuuwi ng bahay dahil mas inuuna pa ang barkada o pakikipag-inuman kesa sa pamilya na hindi man lamang mapakain ng maayos.
Napakarami nating ginagawa na alam nating hindi tama ngunit umiiral sa atin ang pansariling kagustuhan at wala tayong pakialam na may tao pala tayong nasasaktan o kaya ay alam nating nasasaktan ngunit wala tayong pakialam.
At ngayon ay dumating sa atin ang panahong ito na sa isang saglit ay puwede kang mahawa at masawi sana ay maisip nating mas mabuti pa pala ang hirap na dinaranas natin dati araw-araw basta wala lang COVID-19.
Kahit sobra ang trapik, kahit mahirap ang buhay ay kaya nating iraos araw-araw basta wala lang banta sa ating buhay at sana maisip natin ‘yung mga sinadya at hindi natin sinadyang saktan.
Sana ngayong marami tayong oras sa bahay ay gamitin natin ito para makapag-isip at makapagbagong buhay sa oras na malampasan natin ang sitwasyon ng COVID-19.
Hindi ko sinasabing positibo ito na dulot ng COVID-19 ngunit posibleng isa ito sa mga dahilan kung bakit kumalat ang sakit na ito at kailangan pang may mamatay.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments