top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Edukasyon kontra online sexual abuse, mas paigtingin

  • Kuya Win Gatchalian
  • Mar 24, 2020
  • 2 min read

Ngayong walang pasok dulot ng enhanced community quarantine, marami sa kabataan ang nakatutok sa kanilang mga gadgets. Sa panahon ngayon, lubos na hinihikayat ang ating mga magulang na gamitin ang pagkakataong ito upang gabayan ang mga anak sa kanilang aktibidad gamit ang teknolohiya. Ito ay upang maprotektahan sila laban sa anumang uri ng kriminalidad – isa na rito ang online sexual abuse.

Base sa “2018 Findings on the Worst Forms of Child Labor” ng United States Department of Labor, ang Pilipinas ang pangunahing pinagmumulan ng mga kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa buong mundo. Sa mga internet café, “cybersex dens” at maging sa mga pribadong bahay, ang mga batang biktima ng OSEC ay binabayaran ng mga customer—Pinoy man o dayuhan upang magpakita ng kalaswaan.

Sa datos naman ng International Justice Mission Philippines noong 2018, may 600,000 na mga malalaswang larawan ng kabataan ang naiulat sa Department of Justice (DOJ). Nakaaalarma na tumaas ng 1, 000 porsiyento ang bilang mula sa 45, 000 na naitala noong 2017. Higit na nakakalungkot ang pagsagip sa mga batang may edad 12 pa lamang mula sa krimeng ito.

Ito ang dahilan kaya nais nating magkaroon ng malawakang Human Trafficking Preventive Education Program sa pamamagitan ng panukalang inihain ng inyong lingkod, ang Senate Bill No. 735.

Sa pamamagitan nito, magkakaroon ang kabataan ng kaalaman sa kanilang mga karapatan at magsisilbing proteksiyon ito upang masugpo ang OSEC, prostitusyon, sexual exploitation at iba pang anyo ng trafficking. Tutulungan din nito ang mga komunidad na magkaroon ng sapat na kakayahan upang matukoy at mapanagot ang mga kriminal.

Mayroong dalawang bahagi ang naturang panukalang programa, ito ang school-based at ang community programs. Saklaw ng school-based program ang mga junior high schools, senior high schools, colleges and universities at technical and vocational programs. Samantala, sa mga barangay naman ipatutupad ang community-based program.

Huwag na tayong magpatumpik-tumpik pa. Ito na ang pagkakataon para mas lubusan nating magabayan ang ating mga anak mula sa kapahamakan. Gamitin din natin ang mga panahong ito upang makapag-bonding nang husto sa kanila.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page