COVID-19: Isang kaaway na hindi natin nakikita pero kaya nating labanan!
- Bobi Tiglao
- Mar 23, 2020
- 3 min read
Isang malaking pagsubok para sa buong mundo ang pagkalat ng nakahahawang sakit na coronavirus disease (COVID-19).
Hanggang ngayon ay wala pa ring gamot o vaccine laban sa deadly virus. Pero kung magiging istrikto lang ang mga gobyerno sa buong mundo, kakayaning labanan ito.
Mabuti na lang at maagang rumesponde ang administrasyong Duterte, mula sa ibinabang travel ban sa mga bansang mataas ang bilang ng impeksiyon tulad sa China, South Korea, Japan, Italy, Iran at iba pa.
At nag-utos din ng “enhanced community quarantine” sa buong Luzon ang gobyerno.
Tigil muna ang pagpasok sa mga paaralan at trabaho, ipinasara ng mga establisimyento na hindi kabilang sa “essential services” at ipinagbawal ang pagbiyahe o mass transportion, puwera na lang kung bibili ng pagkain o gamot.
May curfew na rin, checkpoint at pagsusuri ng temperatura ng mga tao. Pinapairal din ang “social distancing” o pag-iwas sa pagdikit sa mga tao at pagdalo sa malalaking pagtitipon.
Ang mga kumpanya naman ay inabisuhang hayaang magtrabaho sa kani-kanilang tahanan ang kanilang mga empleyado.
Sa mga arawan naman na trabahador, inihanda ng gobyerno ang tulong pinansiyal at iba pang benipisyo na mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa mga lokal na gobyerno.
Lahat ng kautusan na ito ay iisa lang ang layunin – ang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Ang pagpapatupad ng quarantine at iba pang “social distancing measures” ay napatunayang epektibo sa pagsupil ng nakahahawang virus.
Sa China ngayon ay wala nang bagong kaso nito. Ito ay matapos ang dalawang buwang “lockdown” na ginawa ng gobyerno ng kanilang. Sa atin naman ay naging masunurin ang taumbayan. Naiintindihan ng mga Pinoy na ang ginagawa ng gobyerno ay para sa kabutihan ng lahat.
Kaunting tiis lang dahil ang ipinatutupad nating enhance community quarantine ay hanggang Abril 12 na lang. Pagdating ng panahon nito ay pag-aaralan ng gobyerno kung maaaring magluwag na ng kaunti o kung itutuloy pa rin ang lockdown sa Luzon.
Kumpiyansiya ang inyong lingkod na maganda ang magiging resulta ng lockdown. Ang deadly virus ay nabubuhay lamang kung may kakapitan itong tao.
Kapag walang pakalat-kalat na may sakit, wala rin silang mahahawaan na ibang tao.
Nakita natin ang nangyari sa China na epektibo ang kanilang quarantine sa Wuhan at iba pang siyudad. Unti-unti nang nagbubukas ang mga negosyo sa China, ngayong kontrolado na nila ang virus.
Pero sa U.S. at Europa ngayon pa lang ito kumakalat. Matindi ang kanilang sitwasyon sapagkat noong una ay ayaw ng mga lider nila na i-lockdown ang kanilang mga siyudad.
Ang masaklap na resulta, libu-libo ang naapektuhan kung saan araw-araw ay tumataas ang bilang ng mga kanilang kaso at habang tumatagal ay mas dumarami ang namamatay.
Magpasalamat tayo, masipag at magaling ang kasalukuyang gobyerno.
Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nangunguna sa Inter-Agency Task Force na siyang namamahala sa lahat ng kautusan at aksiyon laban sa COVID-19. Araw-araw silang nagpupulong para mapangalagaan ang kapakanan ng lahat.
Ang IATF ang nagbaba ng mga regulasyon na dapat sundin ng lokal na gobyerno. Sa ngayon, karamihan sa mga mayor ng Metro Manila ay nagpapakita ng kooperasyon sa mga kautusan ng administrasyon.
‘Yun nga lang, may ilan-ilan talagang puro namumulitika pa rin at ayaw sumunod sa mga patakaran.
Kaya naman, kung may kilala kayong barangay o lokal na opisyales na hindi tumutulong sa taumbayan o sumusuway sa mga alituntunin na ibinaba ng IATF ay msaari ninyo silang i-report sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga 8876-3454 local 8806 hanggang 8811.
Tiniyak ng DILG na hindi ilalabas ang inyong pangalan para hindi kayo mapagdiskitahan ng pasaway na lokal na opisyales.





Comments