PNP, nagbabala na sasampulan ang mga magpapakalat ng fake news sa COVID-19
- Korina Sanchez
- Mar 22, 2020
- 2 min read
Ayon kay Metro Manila Police Chief Brig. Gen. Sinas, 80 porsiyento ang ibinaba sa krimen sa Metro Manila kasunod ng ipinatutupad na enhance community quarantine sa Luzon partikular sa Metro Manila.
Walang pinipili ang virus kaya maging ang mga tao na may masasamang intensiyon ay nananatili na lang sa kanilang tahanan. Walang katotohanan ang balita tungkol sa malawakang nakawan sa Luzon. Sa katunayan, pagsapit ng alas-8:00 ng gabi ay tahimik na ang paligid at halos wala na ring mga sasakyan.
Kaugnay nito, nanawagan si PNP Spokesperson PBrig. Gen. Bernard Banac na huwag magkalat ng mga balitang may maling impormasyon o ‘fake news’. At para magtanda, nagbabala ito na kakasuhan ang mga nagpapasimuno ng mga pekeng balita.
Gayunman, mabuti na ang ligtas. Siguraduhing bago matulog ay naka-lock ang pinto, mga bintana at iba pa. Sa panahon ngayon, sabihin man nating nagkalat ang mga tanod, pulis at iba pang awtoridad, walang imposible lalo na kung desperado ang tao.
◘◘◘
Sa ngayon ay nasa 307 na ang bilang ng mga nagpositibo habang 19 na ang namamatay sa COVID-19. Samantala, ayon sa ulat ay nakarating na ang libu-libong testing kits mula sa ibang bansa.
Sa Medical City, may 150 na doktor at nurses ang kasalukuyang naka-quarantine. Habang tumatagal ay mas nakababahala ang mga nangyayari kung saan dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasyente ay unti-unti na ring napupuno ang mga ospital. Gayundin, hindi lamang kuwarto sa mga pasyente ang problema dahil nagkakaubusan na rin ng face mask, alcohol, hand sanitizers at iba pa.
Wala tayong ibang magagawa kundi ipagdasal na ang enhanced community quarantine ay magsilbing balakid sa pagkalat ng COVID-19. Sa huli, anumang kalbaryo ang pinagdaraan ng bawat isa, manalig na lamang tayo na matatapos din ang lahat.





Comments