Tulong-pinansiyal ng DOLE sa mga manggagawang nawalan ng kayod, inihihirit
- Sonny Angara
- Mar 21, 2020
- 2 min read

Nitong nakaraang linggo, buong tapang na inamin sa publiko ng ating kaibigan at kasamahang senador na si Senator Migz Zubiri na siya ay COVID-19 positive.
Dahil dito, nagpasya siyang mag-self-quarantine hanggang sa tuluyang gumaling, bagaman, hanggang sa ngayon, nananatili siyang asymptomatic o walang anumang sintomas.
Sa dami ng ating aktibidad sa Senado, minsan ay nakakaligtaan natin ang mga precautions kaya hindi natin tiyak ang estado ng impeksiyon sa ating pakikisalamuha. At dahil d’yan, minabuti rin ng inyong lingkod na mag-self-quarantine upang matiyak ang ating kalusugan.
Sa pananalasa ng COVID-19 sa buong mundo, unti-unti nang naaapektuhan ang takbo ng ekonomiya. Partida, malalaking bansa pa ang unang sinalanta ng deadly virus na ito.
Ngayong narito na ang deadly virus sa Pilipinas, asahan nating malaking hagupit ito sa kabuhayan ng bansa, partikular sa mamamayan.
Maraming establisimyento ang nagsara, may mga tanggapan na kasabay ng tigil-operasyon ay nagbawas din ng napakaraming manggagawa.
Maging ang public transport ay tuluyang naparalisa kaugnay pa rin ng direktiba ng pangulo na nakapaloob sa enhanced community quarantine na ipinatutupad na ngayon sa kabuuan ng Luzon.
Ang nakalulungkot sa pagsasara ng ilang establisimyento — paano na ang mga apektadong empleyado, lalo na ang mga nasa ‘no work-no pay’ scheme tulad ng mall employees? Sila ay kabilang sa mga empleyadong kapag absent sa trabaho, wala ring suweldo.
Pabor tayo sa mga ipinatutupad na hakbang ng gobyerno laban sa paglaganap ng COVID-19. Ang iniisip lamang natin, paano na ang pang-araw-araw na buhay ng mga manggagawa?
Sa nakalap nating datos halos 7, 000 empleyado ng malls ang apektado sa mall closures.
Dahil d’yan, muli tayong mananawagan sa DOLE na kung maaari, agapan ang sitwasyong ito at tulungan ang ating displaced workers.
Ang DOLE, sa ating ipinasang 2020 National Budget ay pinagkalooban ng 6.787 bilyon para sa pagpapatupad ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Liban pa riyan, mayroon pa silang P112.618 milyon para naman sa kanilang Adjustment Measures Program o AMP.
Ang TUPAD ay community-based assistance package na naglalayong bigyan ng emergency employment ang mga kababayan nating biglang nawalan ng trabaho.
Ang mga benepisaryo ng programa ay bibigyan ng pagkakataong makapagtrabaho mula 10 hanggang 30 araw, depende sa nature of work na ipagkakaloob ng TUPAD.
Ito namang AMP ng DOLE ay assistance package na binubuo ng financial assistance, employment facilitation and training and livelihood.
Nauna na tayong nanawagan sa DOLE na kung maaari ay alamin nila kung anu-anong kumpanya sa bansa ang nagtanggal ng kani-kanilang mga empleyado dahil pa rin sa COVID-19 scare.
Ito ay para agad nilang maaksiyunan ang kakaharaping krisis ng displaced workers sa gitna ng pandemic na ito.
Kaya muli, nakikiusap tayo sa DOLE na pagalawin sa lalong madaling panahon ang mga pondong itutulong natin sa ating mga kababayang mawawalan ng trabaho.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments