Ang mensahe at karisma ni San Jose
- Fr. Robert P. Reyes
- Mar 21, 2020
- 2 min read
Apat na pari ang nagpasalamat noong nakaraang Miyerkules. Kasabay nating naordinahang pari sina Fr. Edwin Mercado, Fr. Cesar Macariola at Fr. Fidel Palisoc ng Arkidiosesis ng Maynila noong ika-18 ng Marso, 1982.
Iginawad sa amin ang banal na sakramento ng ordinasyon ni Archbishop Bruno Torpigliano, ang Papal Nuncio ng Pilipinas at sa awa ng Diyos, buhay pa rin ang nabanggit na apat na pari.
Sa banal na araw ng ika-38 anibersaryo ng aming ordinasyon, tiyak na maliban sa pasasalamat para sa banal na handog ng aming ordinasyon, inisip naming apat ang nangyayari sa sangkatauhan, partikular na rin sa Simbahang-Katolika na nakakalat sa buong mundo. Gayunman, nais nating batiin ang mga kapatid nating pari. Mabuhay kayo, Fr. Edwin, Fr. Cesar at Fr. Fidel.
Ayon sa balita, sampung pari sa Italya ang nagpositibo at namatay dahil sa COVID-19. Nakakatakot ang banta at panganib ng namamatay na virus, ngunit hindi tayo dapat magpatalo at mawalan ng pag-asa.
Noong Huwebes, ika-19 ng Marso, bagama’t mahigpit na ipinaiiwas ang pagdiriwang ng banal na misa, nagtipun-tipon ang ilang pari sa Diyosesis ng Cubao upang ipagdiwang ang Pista ni San Jose, kasama ng kura paroko. Wala kaming ibang kasama kundi ang ilang nagbasa mula sa lumang tipan at salmo, ilang altar servers, organist na siya ring nag-iisang koro at ang mga namahala sa paggamit ng mga mobile phones para sa live streaming ng misa. Ito na lamang ang pinahihintulutan sa iba’t ibang diyosesis. At salamat sa teknolohiya, marami pa rin ang nakiisa sa pagdiriwang ng banal na misa.
Nanalangin ang lahat kay San Jose, banal na patron ng mga asawa’t ama. Nanalangin ang lahat sa lalaking may kakaibang kabanalan. Samantala, sa homily, pinagnilayan natin ang kahalagahan ng katangian ng pagsasamahan. Kung noong araw, dahil sa sobrang busy ng bawat miyembro ng pamilya – nanay, tatay at maging ng mga anak, hinihingi natin ang naturang “quality time”. At dahil sa “enhanced community quarantine”, sobra-sobrang oras naman ang naigugugol ng bawat isa.
Sa pagkakataong ito natin kailangan si San Jose na ituturo sa atin ang mayaman at makabuluhang katahimikan. Kung kasama natin si San Jose ngayon, tiyak na natuto na rin siyang mag-internet o gumamit ng social media. Subalit, tiyak na alam nito kung hanggang saan at kailan lang niya ito gagamitin.
Dahil sa malalim na katahimikan, matalas ang pagbasa at pang-unawa ni San Jose sa sinasabi at hindi sinasabi ng Diyos at ganundin siya kay Maria na hindi kailangang palaging magsalita dahil maging ang kanyang katahimikan ay kayang basahin ng kanyang asawa. At bilang ama kay Hesus, tiyak na malalim ang antas ng pag-uusap ng mag-ama na mismong katahimikan ay nangungusap din.
Marahil, ito ang mensahe ng Panginoon, sa munting panahon na mayroon ang marami sa atin, nais nitong magamit natin ito sa mas makabuluhang bagay. Gamitin natin ang “quality time” upang makasama o mabigyan ng panahon ang pamilya na matagal ding hindi nagagawa ng marami sa atin.





Comments