Pahiwatig na dapat ituloy ang paglaban sa buhay kahit takot at hindi sigurado sa mangyayari
- Socrates Magnus
- Mar 20, 2020
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Onang Oliva pinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nasa madilim na lugar ako sa panaginip. Nahihirapan akong makakita, pero dahan-dahan pa rin akong lumakad, gayundin, natatakot ako, pero hindi nagtagal ay may humawak sa kamay ko at ang hinala ko ay nakakakita ako ng liwanag. Tuwang-tuwa ako kasi madilim talaga ‘yung lugar na pinasaok ko.
Naghihintay,
Onang
Sa iyo Onang,
Ang napanaginipan mo ay ang larawang nagaganap ngayon sa mundo, lalo na rito sa atin sa Pilipinas kung saan ang mga tao ay takot na takot at para ring nabubuhay sa kadiliman dahil walang kasiguraduhan na hindi sila mahahawa sa Coronavirus Disease 2019 (COVID -19).
Kaya ang iyong panaginip ay panaginip na naglalarawan din ng mismong nangyayari sa mga tao. Gayunman, tulad ng iyong panaginip, kahit takot ang tao at walang katiyakan ang mangyayari bukas at sa malapit na hinaharap, dapat pa ring patuloy na “maglakad” na ang ibig sabihin ay takot ka man, kailangan mo pa ring lumaban.
Ang may humawak sa kamay mo na parang dinala ka sa kung saan at may nakita kang liwanag ay si Lord mismo.
Pansinin mo ang sikat na awitin na “Footprints in the Sand” na si Lord mismo ang bumubuhat sa tao. Sa panaginip mo naman, hindi man footprints ang iyong nakita, ‘yun na rin ang mga kamay ni Lord na gumabay sa iyo.
Dahil dito, huwag na huwag kang mawawalan ng paniniwala kay Lord, lalo na sa panahon ngayon na ang mundo ay binabalot ng takot.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments