top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Kaalaman sa benepisyo sa maliliit na negosyo

  • Persida Acosta
  • Mar 20, 2020
  • 2 min read

Dear Chief Acosta,

Nais kong malaman kung mayroon bang batas na nagbibigay ng mga benepisyo para sa maliliit na negosyo? – Ben

Dear Ben,

Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Republic Act No. 9178 o kinikilala bilang “Barangay Micro Business Enterprises (BMBE’s) Act of 2002.” Ayon sa Section 7, 8 at 9 sa batas na ito, ang BMBE ay negosyo na may kinalaman sa produksiyon, pagproseso o paggawa ng mga produkto, maging ang negosyong may kinalaman sa agro-processing at pagbibigay ng serbisyo kung saan ang halaga ng kabuuang pag-aari ng nasabing negosyo ay hindi hihigit sa Php 3,000,000. Hindi kabilang sa nabanggit na limitasyon ang halaga ng lupa kung saan matatagpuan ang opisina, planta o kagamitan ng negosyo.

Kaugnay nito, nakasaad din sa Section 5 (b) ng Republic Act No. 10644 o kinikilala bilang “Go Negosyo Act” na ang kuwalipikadong negosyo ay kailangang magparehistro bilang BMBE sa tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Negosyo Center sa lungsod o munisipalidad kung saan ito matatagpuan at mabigyan ng Certificate of Authority upang matamasa ang mga sumusunod na benepisyo ng batas: (1) exemption sa pagbabayad ng income tax buhat sa operasyon ng negosyo; (2) exemption sa pagbabayad ng minimum wage sa mga empleyado, ngunit ang mga nasabing empleyado ay may karapatan sa lahat ng benepisyo na nararapat sa regular na manggagawa; (3) pagkakaroon ng pagkakataon na mangutang sa Land Bank of the Philippines (LBP), the Development Bank of the Philippines (DBP), the Small Business Guarantee and Finance Corporation (SBGFC), and the People’s Credit and Finance Corporation (PCFC) para sa pangangailangang pinansiyal ng BMBE.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page