Floyd Mayweather, nawalan ng gana matapos mamatayan
- Gerard Arce
- Mar 20, 2020
- 1 min read

Tila malabo na ang muling pagbabalik aksyon ni undefeated-retired Floy “Pretty Boy” Mayweather ngayong taon kasunod ng mga masasaklap na pangyayari sa kanilang buhay pamilya na sinabayan pa ng pananalasa ng coronavirus (COVID-19) sa buong mundo.
Inihayag ng TMZsports.com na nagpaplano na sana ang 43-anyos na dating 5-division world champion na magbalik laban ngayong 2020 kung saan pinupuntirya nitong makipag-sanib puwersa sa Ultimate Fighting Championship (UFC) at sa isang respetadong boksingero sa buong mundo,
Ngunit pawang gumuho lahat ng mga planong ito nang magkasunod na pumanaw ang dating asawa nitong si Josie Harris, na natagpuang walang buhay ng kanilang anak sa kanyang sasakyan sa harap ng kanilang tahanan sa Valencia, California, at ang paglaho rin ng malapit na tiyuhin nitong si Roger Mayweather sa edad na 58.
Isa rin sa mga malaking bagay na nagpawalan ng gana kay Floyd ay ang pagkamatay ng matalik na kaibigang si Kobe Bryant, at nasundan pa ng sunud-sunod na pagkansela ng ilang malalaking events sa mundo dulot ng pandemic.
Pinupuntirya sanang maganap ang isang laban sa pagitan nila ni undefeated UFC lightweight champion Khabib Nurmagomedov at ang inaabangang rematch nila ni reigning WBA welterweight king at eight-division world champion Manny “Pacman” Pacquiao.
Nagbigay ng parangal si Mayweather sa kanyang tiyuhin sa eulogy nito na hinandugan niya ng papuri nang hubugin siya nito bilang “Greatest Fighter” ng kanyang henerasyon.
“My uncle was one of the most important people in my life inside and outside of the ring,” wika ni Floyd. “Roger was a great champion and one of the best trainers in boxing. Unfortunately, his health was failing him for several years and now he can finally rest in peace.”





Comments