Paniningil ng tax ng BIR dalawang araw pagkatapos ng total lockdown, tuloy pa rin
- Pabs Hernandez III
- Mar 19, 2020
- 2 min read
KUNG NAGKATOTOO LANG NA ALA-SINGAPORE NA ANG ‘PINAS, WALA SANANG NAGPA-PANIC SA COVID-19 — Mas marami ang nadale ng coronavirus sa Singapore (266) kaysa Pilipinas (193), pero hindi nagpa-panic ang mga Singaporean kasi nakikita nila ang galing ng diskarteng ginawa ng kanilang gobyerno sa paglaban sa COVID-19 at patunay d’yan na 114 na ang gumaling at walang naitalang patay sa kanilang bansa, samantalang sa Pilipinas ay nagpa-panic na ang publiko kasi 14 na ang naitalang patay.
Kung nagkatotoo lang ang sinabi noon ni Speaker Alan Peter Cayetano na mag-aala-Singapore na ang Pilipinas sa ilalim ng gobyernong Duterte, sana ay hindi nagpa-panic ngayon ang mga Pinoy, period!
◘◘◘
PANIC NA SA VIRUS, PANIC PA SA GUTOM — Sa ating bansa, hindi lang sa coronavirus nagpa-panic ang mga Pinoy nagpa-panic na rin ang ilan sa baka kasunod ng total lockdown ang matinding gutom.
Sana, ibigay na agad ng gobyerno ang pangakong tulong na pagkain at financial sa mga nawalan ng hanapbuhay para ang matira na lang ay panic sa virus at matigil na ang panic sa gutom, boom!
◘◘◘
ANG LUPIT NG BIR, PANININGIL NG TAX, TULOY NGAYONG APRIL 15 — Matapos ideklara ni P-Duterte ang total lockdown o “enhanced community quarantine” sa buong Luzon, partikular sa Metro Manila mula March 17 hanggang April 13, 2020 upang hindi lumaganap ang coronavirus sa bansa ay nanawagan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa publiko na magbayad ng tax ngayong April 15.
Ganyan kalupit ang BIR, mantakin ninyo, dalawang araw pagkatapos ng “total lockdown” ay oobligahin na nila (BIR) ang publiko na magbayad ng tax, buwisit!
◘◘◘
AYON KAY SEC. LOPEZ, MARAMI PANG STOCK NG ALCOHOL, PERO WALA NA PALA — Sa presscon ng Inter-Agency Task Force (IATF), tinanong ng isang mediaman si PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na karamihan daw sa mga pulis na nagmamando ng checkpoint ay walang dalang alcohol na panlaban sa virus at ang tugon dito ng PNP chief ay may pera naman daw silang pambili, pero lang daw ay wala nang mabiling alcohol.
Kung ganu’n, boladas lang pala si Sec. Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI) sa sinabi niyang huwag mag-panic ang publiko sa pagbili ng alcohol dahil maraming stock ang mga manufacturers ng alcohol sa bansa, boom!





Comments