Pagiging impulsive ng isinilang sa year of the Tiger, dapat baguhin para maging successful
- Maestro Honorio Ong
- Mar 19, 2020
- 2 min read

Ituloy na natin ang pag-aanalisa ng magiging kapalaran ng 12 animal signs ngayong taong ito ng 2020, taon ng Metal Rat.
Sa pagkakataong ito, ang tinatalakay natin ang ugali at magiging sadlakang kapalaran ng mga isinilang sa animal sign na Tiger.
Kung ikaw ay isinilang noong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022, ikaw ay tatawaging may Tiger personality.
Sinasabing ang tipikal na Tigre bukod sa hindi agad makapagpasya, masyado siyang impulsive at pabigla-bigla. Dahil dito, hindi niya nasisinop nang mabuti ang mga bagay na kanyang napagdedesisyunan at gagawin. Kadalasan tuloy, hindi rin siya nagiging masinop sa kanyang buhay at kabuhayan. Subalit, kapag natutunan ng Tigre na maghintay at planuhin munang mabuti ang anumang nais niyang gawin at ipatupad, magiging matagumpay at maligaya siya.
Dagdag pa rito, ang Tigre ay hindi rin agad-agad naniniwala sa batas o kaayusan na umiiral, sa halip, para sa kanya, mas magandang gawin at sundin ang mga bago at pambihirang patakaran at pamamaraan. At dahil sadyang may kakaibang pagkatao, kadalasan, hindi mo inaasahan na ang Tigre ay makalulusot sa mga mahihirap na problema at minsan, ang mga problemang kanyang nalusutan ang siya pang nagiging pabor o dagdag na nagbibigay sa kanya ng suwerte at magagandang kapalaran. Kaya sinasabi ring sa 12 animal signs, isa ang Tigre sa pinakamasuwerte at ang suwerteng dumarating sa kanya ay sadyang pabigla-bigla, pero malalaki at marami talaga.
Ang nakatutuwa pa nito, kadalasan, ang nagiging karanasan ng isang Tigre ay biglang sinusuwerte, pero ang suwerteng hawak niya ay bigla ring mawawala. Minsan naman, sa sitwasyong malas na malas, doon naman huhugot ang langit upang bigyan siya ng sobrang laking suwerte. Sa madaling salita, tunay ngang “unpredictable” ang kapalaran na dadagan sa buhay ng Tigre. Maaaring suwerteng-suwerte, pero biglang mamalasin o kaya naman ay malas, pero biglang susuwertehin.
Bagama’t, likas na optimistic sa kanilang pananaw, sila rin ay madalas mag-alinlangan at may malikot na kaisipan. Gusto nila ay isip nang isip ng kung anu-anong mga bagay na kakaiba at hindi pangkaraniwan. Kaya naman ang pagiging writer, manlilikha o manlililok, fine arts, pagpipinta, architect, director at iba pang kauring propesyon ay tugmang-tugma sa kanilang panlasa at pagkatao.
At dahil sobrang mahilig sa travel at adventures, angkop sa Tigre ang mga gawaing may kaugnayan sa daredevil sports tulad ng stunt at race car driver. Puwede rin ang propesyong may kaugnayan sa pag-aartista, pagpipinta, painting, antique and arts collector, public entertainment, mga gawaing tumutulong sa kapwa nang walang hinihintay na kapalit at ang pagsali sa mga kakaibang uri ng kulto, samahan at relihiyon ay sadyang magbibigay din sa kanila ng malaking tagumpay at kakaibang ligaya.
(Itutuloy)




Comments