Pag-aartista, oks lang balikan basta prayoridad ang paglilingkod sa bayan
- Bong Revilla
- Mar 18, 2020
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Mula nang mapawalansala ako ng Sandiganbayan noong Disyembre 7, 2018 ay nasabak na agad ako sa kampanya kaya hindi ako halos nagkaroon ng pagkakataong magpahinga man lamang.
Kahit kapos sa panahon ay nakatutuwang maramdaman na hindi tayo pinabayaan ng ating mga tagasuporta at muli ay nahalal tayong senador sa kabila nang kabi-kabilang banat ng ating mga kalaban.
Pero sa paglipas ng mga araw ay tila hindi balanse at may kulang akong nararamdaman na hindi ko maipaliwanag, pinilit kong maging abala sa paglilingkod at paggawa ng mga panukalang-batas, pero aligaga pa rin ako.
Hanggang sa dumating sa akin ang isang alok para gumanap sa isang TV series ng GMA 7 na ipalalabas tuwing araw ng Linggo ang ‘Agimat ng Agila’ at gaganap ako bilang forest ranger.
Kaya ko tinanggap ang seryeng ito dahil tinatalakay nito kung paano isasalba ang kagubatan, labanan ang mga illegal logger at wakasan ang mga gahamang sumisira ng kabundukan.
Tungkol ito lahat sa kung paano isasalba ang kalikasan at nilapatan ng napakagandang script kaya hindi ako nakatanggi dahil alam kong lalabas itong maganda lalo pa at si Rico Gutierrez ang direktor.
Ilan sa mga kasama ko sina Sheryl Cruz at Sanya Lopez, na matapos kong makipagkasundo sa GMA 7 na tuwing weekend lang ako puwedeng mag-taping dahil sa abala ako sa Senado.
Nakatutuwa na nalilibot kong muli ang maraming lugar para mag-taping, tulad sa mga kabundukan ng Morong, Antipolo, Tanay, Bataan at iba pang kagubatan na sinimulan na namin noong Feb. 16.
Sa totoo lang, sobrang na-miss ko ang pag-aartista, ito pala ang nararamdaman kong tila kulang sa aking pagkatao mula noong ako ay muling mahalal bilang senador.
Ang dugong artista na nananalaytay sa aking mga ugat ay muling dumaloy at nagdulot ito ng kakaibang saya sa akin dahil mula pagkabata ko ay gumagawa na ako ng pelikula at alam naman ‘yan ng ating mga kababayan.
Ngayon ay nakararamdam na akong muli ng mahimbing na pagtulog dahil alam kong kumpletong muli ang buhay ko at handa na akong gumawa ng mga magagandang pelikula para sa ating mga tagahanga. Pero siyempre, priority ko pa rin ang pagiging senador.
Kaya tayo humantong sa politika dahil sa dami ng biyaya na ipinagkaloob sa atin mula noong bata pa, kaya ninais ko namang makatulong sa mga kababayan nating nangangailangan.
Sabi nga nila, puwede namang tumulong sa kapwa kahit hindi ka pulitiko, na matagal ko namang ginawa kaso mas marami ka talagang matutulungan kapag halal kang opisyal.
Maraming maliliit na nagtatrabaho sa showbiz industry ang natuwa sa ating pagbabalik dahil darami na naman ang oportunidad para sa mga stuntman, make-up artist at marami pang nasa likod ng kamera.
Sa tingin ko naman ay kaya ko pa ang mga ginagawa ko dati, tulad nang pakikipagbakbakan at habulan dahil medyo batak naman tayo sa pag-eehersisyo, araw-araw bago pumasok sa Senado.
Sa dami ng imbitasyon, dapat hindi tayo tumaba dahil sa dami ng pagkain, ang hirap umiwas lalo kung masarap.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments