top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

COVID-19, seryosong sitwasyon, ‘wag pinipilosopo!

  • Bobi Tiglao
  • Mar 18, 2020
  • 3 min read

May ilan pa rin d’yan na hindi siniseryoso ang banta ng Coronavirus Disease (COVID-19), ito ay virus na hindi lamang nakahahawa kundi nakamamatay din na kasalukuyang kumakalat sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa kabila nito, hindi talaga nawawala ang pasaway tulad na lang ng mga pilosopo na nagtatanong, paano raw kung pisong suka o toyo lang ang bibilhin nila, puwede raw ba itong ipa-deliver sa kanilang bahay? Tsk!

Narinig namin ang nakasusuyang tanong na ito noong presscon sa Malacañang matapos inianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “enhanced community quarantine” sa buong Luzon.

Sa asar ni DILG Sec. Eduardo Año sa tanong, sinagot niya: “Alam mo ang mga Pilipino ngayon, kahit ang mga ganitong pagkakataon, pinipilosopo. Merong tayong problemang hinaharap at buhay ang nakataya rito.”

Tama si Año. Isang public health emergency ang pagkalat ng COVID-19 kaya nagdesisyon na ang gobyerno na ilagay sa ilalim ng total lockdown ang Luzon.

Ibig sabihin, kailangang manatili sa bahay ang mga tao. Walang pasok sa eskuwelahan, ilang pribadong sektor at wala ring pampublikong transportasyon.

Mahigpit na ring ipinagbabawal ang “mass gatherings” o pagtitipon ng maraming tao. Wala munang seminar o conference, mga concert, relihiyosong pagtitipon tulad ng misa sa Simbahan at iba pa.

Ang papayagan lamang na magbukas o magpatuloy sa operasyon ay ang mga supermarket, grocery store, botika o pharmacy, hardware, money remittance at iba pang establisimyento na nagbibigay ng “basic necessities”.

Kaugnay nito, hiniling ni Pangulong Duterte ang kooperasyon ng mamamayan sa gitna ng krisis na ito. Bayanihan ang dapat nating pairalin, ang pagtutulungan ng bawat isa ang pinakaimportante nating magagawa.

Isa sa mga sumagot sa hiling ng pangulo ay ang San Miguel Corp. na nagsabing magsasagawa ito ng operasyon ng 24/7 para sa mga pasilidad nito na gumagawa ng pagkain.

“Kung tungkol sa food supply, kaya naming mag-produce ng sapat para sa lahat at kaya naming makapag-deliver sa mga supermarket,” sinabi ni SMC President and Chief Operating Officer Ramon Ang.

Ayon pa kay Ang, gagamitin nila ang planta ng Ginebra San Miguel para makagawa ng disinfectant alcohol. Ipamimigay nila ito nang libre sa mga pampublikong ospital at local government units.

Nakadidismaya na out of stock o ubos na ngayon sa maraming pamilihan ang alcohol, face mask at iba pang health care necessities kaugnay ng ipinairal na panic-buying at hoarding ng makasarili at pasaway na mamamayan.

Kaya naman, napakagandang balita ang plano ng SMC-Ginebra na gumawa ng alcohol para ibigay na donasyon sa mga tao. Sana ay tularan ng ibang bilyunaryo ang ginagawa ni Mr. Ang.

Samantala, inatasan na ng pangulo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbigay ng pagkain sa mahihirap nating mga kababayan.

Inatasan nito si Social Welfare Sec. Rolando Joselito Bautista na gamitin lahat ng sasakyan ng gobyerno para makapag-distribute ng food packs sa mga komunidad na nangangailangan.

Gayundin, nag-utos siya sa mga barangay captain sa Luzon na makipag-coordinate sa DSWD at iba pang sangay ng gobyerno para masigurong may pagkain ang lahat ng tao sa kanilang barangay.

Dapat ay mga bigas, ulam at iba pang food supply ang ibibigay sa ating mga kababayan.

Ang mga lokal na opisyal na hindi tutulong at hindi gagawin ang kanilang trabaho ay maaaring makasuhan ng dereliction of duty, dagdag pa ng pangulo.

Sa ngayon ay 142 na ang kumpirmadong kaso ng sakit na ito at 12 na ang namamatay.

Ang masaklap, sa patuloy na pagtaas ng mga kumpirmadong bilang, wala pa ring gamot o vaccine laban sa deadly virus.

Ang magagawa lang natin ay ang pag-iwas sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga sa sarili at patuloy na pagsunod sa mga alituntunin at abiso na paulit-ulit ipinaiintindi ng mga kinauukulan. Huwag maging pilosopo, ‘wag maging pasaway!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page